top of page

Politika, Pagboto, at Pagprotesta

Politika, Pagboto, at Pagprotesta

CBM

1. HINDI BA ANG PAGTULONG SA IYONG BANSA AT LOCAL NA KOMUNIDAD AY TUNGKULIN NG KRISTIYANO?

Ang lahat ay sumasang-ayon na maraming mga maling bagay ang nasa ating mundo. Ang orihinal na likha ng Diyos ay kamangha-mangha. Nakita na ng Diyos na ito ay “mabuti” (Genesis 1:21). Sa kasamaang-palad, sinira ito ng mga tao sa iba’t ibang pamamaraan. Sinabi ni Jesus, “mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pagiisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya…” (Marcus 7:21). Kapag ang mga tao ay nag-iisip at gumagawa nang gaya niyan, tiyak na may mga problema.

Ang mga politiko ay may kapangyarihan mamuno. Madalas, sila ay ibinuboto upang magawa ito. Lahat sila ay nagpapasya, kung saan ang buhay ng lahat ng mamayan ay naapektuhan, Maging ang mga politikong higit na nagmamalasakit sa bayan ay nakakagawa din ng mga maling desisyon na nagdudulot ng problema.

Ang katanungan, “ano ang tungkulin ng isang Kristiyano sa lupang kanyang tinitirhan?” Marami ang naniniwala na dapat silang magkaroon ng aktibong bahagi sa politika, upang mabago ang kanilang bansa sa ikabubuti.

Ang isang Kristiyano ay mayroong tungkuling maging matulunging mamamayan, Kung ang lahat ay tagasunod ni Jesus at ng kanyang mga katuruan, ang magiging resulta ay:

· Walang mga sundalo (walang giyera)

· Walang mapanirang sandata (hindi mag-aaway ang mga tao)

· Walang pulis (ang totoong tagasunod ni Jesus ay hindi sumusuway sa batas ng kanilang bayan)

· Walang kulungan (walang krimen)

· Walang korte ng batas, mga hukom, o mga abogado (ang mga hindi pagkakasundo ay mapayapang lulutasin)

· Walang mga guwardiya, tagasuri at sistemang tagapagmanman (walang pagnanakaw o mga magtatangkang manakit)

Anong kamangha-manghang lugar sa mundo ito! Ang kapayapaan, pag-ibig, kabutihan, kahinahunan at katapatan ang mamumuno. Isipin kung ang lahat ay nagmamalasakit sa isa’t isa. Walang pag-abuso! Walang karahasan! Isipin kung gaano karaming pera ang mailalaan sa mabubuting dahilan. Iyan ang magiging mundo natin ngayon…kung ang lahat lamang ay totoong Kristiyanong namumuhay gaya ng sinabi ni Jesus.

Ang mga Kristiyano, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maka-Diyos na pamumuhay, ay tumutulong sa kanilang mga bansa at local na komunidad. Subalit, hindi nila kailangang masangkot sa politika, pagboto, o protesta upang gawin ito. Sa lahat ng oras, ang mga Kristiyano ay ginagabayan ng dalawang pinakadakilang tagapayo: (i) Ang Panginoong Jesucristo, at (ii) Ang Bibliya, ang Salita ng Diyos. Atin ngayong isaalang-alang ang sinasabi ng mga tagapayong ito sa atin.


2. NASANGKOT BA SI JESUS SA POLITIKA AT PROTESTA?

Ang malinaw na sagot ng Bibliya ay hindi kailanman nasangkot si Jesus sa politika man o sa mga protesta. Siya ay may isang simpleng prinsipyo ng paggabay.: “Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito” (Juan 18:36). Sa panahong darating, si Jesus ay magiging hari ng sanglibutang ito. Ngunit sa kanyang unang pagdating, siya ay laging nasasangkot sa espiritwal na kondisyon ng mga tao. Ipinaubaya niya ang politika sa mga namumuno sa kanyang kapanahunan.

Kung mayroon mang pwedeng magsabi na ang isang Kristiyano ay dapat lumaban sa kawalan ng katarungan, ito ay si Jesus. Pero kahit na grabe ang pagtrato mismo sa kanya, hindi siya nagprotesta. Isipin mo ang kanyang sitwasyon. Ang kanyang lupain, na ngayon ay tinatawag na Israel, ay nasa ilalim ng kamay na bakal sa panahon ng Emperyong Romano. Ang mga Romanong sundalo ay madalas pumapatay ng mga Hudyo. Nagprotesta ba si Jesus? Hindi. Siya ba ay naging rebusyonaryong lider na naghahanap ng pagbabago sa lipunan at ng pagbagsak ng mga Romano? Hindi. Hindi siya nagbanta, nag-alok ng paglaban, at hindi kailanman sumigaw ng “Tanggalin natin ang mga Romano!” Sa tatlo at kalahating taong itinagal ng kanyang ministeryo, hindi kailanman nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ng Romanong awtoridad at ni Jesus. Tahimik si Jesus sa lahat ng politikal na isyu. Tinanong siya kung ang mga Hudyo ay nararapat na “magbigay pagkilala kay Cesar, o hindi?” Ang kanyang sagot ay simple, ngunit malalim: “ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios” (Lucas 20:22-25).

Kahit nang si Jesus ay nasa paglilitis para sa kanyang buhay, hindi siya nagpakita ng kahit anong pagtutol. Dumating siya upang turuan tayo kung paano kumilos, at bumuo ng espiritwal na pamantayan. Nanawagan siya ng pagsisisi mula sa pagkakasala, hindi ng labanan sa Roma. Nagbigay siya ng mahalagang alituntunin sa pamumuhay. Si Jesus ay nagsabi, “Sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya” at “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig” (Mateo 5:41, 44).

Si Jesus ay isang tao ng kapayapaan, at ang kanyang mga tagasunod ay dapat maging kagaya niya. Hindi siya kailanman nagkampanya para sa hustisya. Ninais niyang baguhin ang loob ng mga tao, ang paraan ng kanilang pag-iisip, at hindi ng kanilang panlabas na sirkumstansiya. Pinakain niya ang mga gutom, pinagaling ang mga may sakit, tinuruan ang mga makasalanan na magsisi, at nangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang mga bagay na ito ang pumuno sa kanyang buhay, hindi ang politika at protesta.


3. ANONG PAYO ANG IBINIGAY NG MGA UNANG PINUNONG KRISTIYANO?

Gaya ng ating inaasahan, ito’y dapat na nakahanay sa pag-iisip ni Jesus na kanilang Panginoon.

Lahat ng tunay na Kristiyano ay maghahanap ng isang polisiya ng kapayapaan. Sinabihan tayo na: “Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao” (Hebreo 12:14). Sinabi ni Pablo sa Romans 12:18 “Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao”. Ang pananaw na ito ay kinumpirma sa 1 Pedro 3:11 “At tumalikod siya sa masama, at gumawa ng mabuti; Hanapin ang kapayapaan, at kaniyang sundan”. Maging ang mga alipin ay sinabihan na paglingkurang mabuti ang kanilang mga masasamang panginoon! Anong mapagmahal na pag-uugali! Sinabi ni Pedro sa kanila, “Kung kayo'y gumagawa ng mabuti, at kayo'y nagbabata, ay inyong tanggapin na may pagtitiis, ito'y kalugodlugod sa Dios. Sapagka't sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagka't si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang niya” (1 Pedro 2:21-22).

Ang Apostol Pablo ay nagsabi “aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan” (Filipos 4:11). Siya ay nasa kulungan nang sumulat siya niyaon!

Ang lahat ng kasulatan ay naglalayo sa atin sa pagprotesta. Ang Kristiyanong saloobin sa kapangyarihan ay dapat ganito: “Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios. Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili” (Romans 13:1-2).

Intindihin ito. Ang lahat ng awtoridad ay itinalaga ng Dios. Ang pagsalangsang sa mga namumuno sa iyong bansa ay pagsalangsang sa Diyos. Ang mga Kristiyano ay dapat “pasakop sa mga pinuno, sa mga may kapangyarihan, na mangagmasunurin…mapakahinhin, at magpakahinahon sa lahat ng mga tao” (Tito 3:1-2). Sila ay dapat na “pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon” (1 Pedro 2:13).

Ang mga Kristiyano ay dapat mapasailalim sa mga namumuno maliban sa isa. Iyon ay kung ang alituntunin ng tao ay malinaw na paglabag sa partikular na kautusang ibinigay ng Diyos. Sa ganitong kaso, “Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao” (Mga Gawa 5:29). Iyan ang sagot ni Pedro nang sinabi ng mga namumuno na tumigil ang mga Kristiano sa pagtuturo sa mga tao ng tungkol kay Jesus. Ito’y salungat sa utos na ibinigay mismo ni Jesus sa mga Apostol: “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal” (Marcus 16:15). Dapat ay laging unahin ang kautusan ng Diyos at ni Jesus. Dahil sa alituntuning ito, ang mga kaibigan ni Daniel ay tumangging sumamba sa gintong imahe na itinayo ng makapangyarihang hari (Daniel 3:18). Sa parehong paraan, ang totoong Kristiyano ngayon ay hindi lalaban dahil sinabi ni Jesus, “mahalin mo ang iyong mga kaaway”. Minsachristadn ang bayan at ang Kristiyano ay hindi nagkakasundo. Kaya’t ang Kristiyano ay maaaring tumanggap ng parusang dulot ng pagsunod “sa Diyos bago sa mga tao”.


4. DAPAT BANG BUMOTO SA ELEKSIYON ANG MGA KRISTIYANO?

Mayroong isang makapangyarihang dahilan kung bakit ang mga Kristiyano ay hindi bumuboto sa kahit anoing politikal na eleksiyon. Ito ay: “ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kanino mang kaniyang ibigin” (Daniel 4:17). Ang Diyos ay may kontrol sa mga pinuno ng sanlibutan at ng kanilang politika. Ang mga taong nais iluklok ng Diyos sa kapangyarihan ay mapapasakapangyarihan. Siya ay gumagawa ng kanyang kalooban sa pamamagitan nila. Kung ang mga Kristiyano ay boboto, maaaring sila ay susuporta sa taong hindi gusto ng Diyos na mapasakapangyarihan. Hindi Niya kailangan ng tulong natin sa pagpili ng lider. Kailangan ba nating bumoto? Hindi!


5. ALING LIDER ANG DAPAT KONG SUNDIN AT SUPORTAHAN?

Mayroon lamang isang wais na pagpipilian. Sinabi ni Jesus, “iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo” (Mateo 23:10). Ang kaharian ng tao ay lilipulin (Daniel 2:44). Ang Panginoong Jesus ay ang hari ng sanlibutan sa panahong darating (Mateo 19:28). Kapag pinili na natin siya, hindi na natin pwedeng suportahan ang ibang pinuno. Si Jesus ay perpekto at walang kamatayan. Kung ating ipangilin ang kanyang mga utos, “mangaghahari naman tayong kasama niya” (2 Timoteo 2:12) sa kanyang Kahariang darating sa lupa. Iyan ang magiging araw ng mga Kristiyano. “Pumarito ka Panginoong Jesus” (Apoc 22:20).

© 2020 by becphilippines

Contact Us

Thanks for submitting!

bottom of page