top of page

PAANO AKO MAGIGING WALANG KAMATAYAN?

PAANO AKO MAGIGING WALANG KAMATAYAN?

BILANG 17

Si Adan ay nilikha na may likas na katangian na maaaring maging imortal kung siya lamang ay naging masunurin, subalit ang lahat ay nauwi sa mali. Dahil dito, sila ng kanyang asawa ay napasailalim sa kamatayan at lahat ng kanilang mga inapo, pati na tayong lahat, ay naging mortal. Natural lang na magkasala tayo, dahil isinilang tayo nang may madaling magkasala, at samakatuwid hindi maiiwasan na tayo ay mamatay, sa malao't madali, dahil ang kasalanan ay nakamamatay. Ang tanging bagay na hindi natin alam ay kung kailan tayo ng hahantong sa kapalaran na iyon. Magiging maaga ba ito o mapapatagal pa? Hindi tayo makatitiyak!


Naunawaan natin ito nang matalakay natin sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat ng Roma at sinundan ang paliwanag ni Apostol Pablo kung bakit lahat tayo ay saklaw ng kasalanan at lahat ay nakatalagang mamatay. Pagkatapos ay idinagdag pa niya na may pag-asa sa buhay na walang hanggan: Handa ang Diyos na ibigay sa atin ang buhay na magtatagal magpakailanman at ang buhay na kaloob ay hindi lamang buhay na walang hanggan kundi isang napakagandang buhay na lubos na nakaayon sa Diyos. Maaari tayong maging mga miyembro ng pamilya ng Diyos, mga anak, na napakalapit at makabuluhang pakikipag-ugnayan sa Pinakamakapangyarihang Diyos.


Narito ang dalawang Kasulatan para ipaalala sa atin ang pag-unlad na nagagawa natin sa ating espirituwal na paglalakbay sa pamamagitan ng pag-unawa sa Biblia sa pamamagitan ng ating sariling pag-aaral:

Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Roma 6:22);

Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, ‘Ama, Ama ko!’ Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos” (Roma 8:13-16).


Ang bautismo ng isang tunay na mananampalataya ang unang hakbang patungo sa pagiging buhay na walang hanggan. Nagsisimula ito sa ating bagong buhay – ang buhay sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo. Tinatawag ni Pablo ang bagong ugnayang ito na "namumuhay ayon sa Espiritu" (Roma 8:4) at natuklasan natin na ang ibig sabihin nito ay buhay na:

➢ may kahulugan at layunin; kung saan

➢ may pagsang-ayon sa Salita ng Diyos, at

➢ ayon sa malugod na pangako ng Diyos para sa lahat na magiging "mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo" (Roma 8:17).


Kaloob ng Diyos sa Atin

Kung iisipin ninyo ito, ang Biblia ay parang sinaunang mapa na nagpapakita sa atin kung saan tayo pupunta upang mahanap ang malaking kayamanan. Minsan ay ikinuwento ni Jesus ang isang talinghaga tungkol sa isang lalaking nakatagpo ng mga kayamanan habang naghuhukay siya sa bukid, kung kaya’t ipinagbili niya ang lahat ng mayroon siya upang bilhin ang bukid na iyon at maangkin ang kayamanan. Maaaring nasumpungan mo ang kursong ito at nagpapatuloy sa pag-aaral dahil sa pagka-usisa. Kung gayon, ikaw ay katulad ng taong iyon; sapagkat ikaw ay nakasumpong ng mana na maaaring mapasaiyo, kungkang gawin ang kailangan. O maaaring matagal mo nang hinahanap ang daan para mahanap ang buhay na walang hanggan. Alinman ang naging daan, malamang ay napagtanto mo na sa ngayon na ang kaloob na buhay na walang hanggan ang pinakamagandang handog mula sa Diyos. Pero paano ito mangyayari? Paano natin ito makukuha para sa ating sarili?

Sinisimulan ng bautismo ang prosesong ito dahil kailangan nating gumawa ng pormal na pahayag na gusto natin ng bagong buhay. Pagkatapos ay magpapatuloy ang buhay na iyan kapag sinimulan nating baguhin ang ating paraan ng pag-iisip – iyan ang mahalagang susunod na hakbang. Inilarawan ito ni Pablo sa iba't ibang paraan, tulad ng nakita natin.

➢ Tinatawag niya itong buhay "ayon sa Espiritu" (8:4);

➢ Siya ay nagsasabi na dapat nating isaisip ang "pagsunod sa Espiritu" (8:6);

➢ Siya ay nagsasabi sa atin na mamuhay "ayon sa Espiritu" (8:9), o "sa pamamagitan ng Espiritu" (8:13);

➢ Siya ay nagsasabi sa atin na kailangang manirahan sa atin ang Espiritu (8:9,14), at

➢ Siya ay nanghihikayat sa atin na linangin "ang kalooban ng Espiritu" (8:27).


"Kay Adan" o "Kay Cristo"?

Ang talagang sinasabi ni Pablo ay ito. Isinilang tayo "kay Adan" at nagsimula na tayong magkaroon ng bagong buhay "kay Jesucristo" (Roma 8:1,2). Ang pagbabagong ito ng katayuan ay ang kaibhan sa pagitan ng buhay na walang hanggan at ng walang hanggang kamatayan, tulad ng sabi ni Pablo sa isa pang sulat:

Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo” (1 Corinto 15:22).

Medyo katulad ito ng pagbabago ng mga pamilya. Ito’y para bang inampon kayo ng ibang tao at nilisan ninyo ang tahanang tinirhan ninyo sa buong buhay ninyo, sa pamumuhay kasama ang isa pang pamilya. Ano ang madarama ninyo sa loob ng gayong pagbabago? Ito ang damdaming iyon sa ating kalooban na isinasaalang-alang ni Pablo – ang pagbabagong dapat mangyari sa ating isipan. Ipinaalala niya sa atin na hindi tayo dinala sa bagong sambahayan bilang mga alipin kundi bilang isang inampon na anak na lalaki o babae. Pansinin ang kanyang mga salita:

Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, ‘Ama, Ama ko!’ (Roma 8:14,15).

Sa halip na sabihing "kayo ay inampon bilang mga anak", sinabi niya na natanggap natin ang "ang espiritu ng pagkupkop upang gawing mga anak" at inihambing niya ito sa "espiritu ng pagkaalipin". Sa madaling salita hindi tayo dapat makaramdam o mag-isip na parang alipin, kundi bilang anak ng Diyos; at isa na may malapit at matalik na relasyon sa kanyang ama. Ang inaalala ni Pablo ay tungkol sa kung ano ang nasa ating isipan o espiritu – ang nangyayari sa ating kalooban. Nais niyang isipin natin ang tama at madama natin ang tama sa Diyos.

Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa” (Roma 8:5-7).


Si Cristo sa Atin

Kung matututunan nating mag-isip nang katulad ng Panginoong Jesucristo at mahikayat sa mga bagay patungo sa kanyang buhay – sa pamamagitan ng mga bagay na nakalulugod sa Diyos – para bang ang buhay ni Jesus ay nagpapatuloy sa mundo, sa ating kalooban. Iyan ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang:

“Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos” (Roma 8:9-10).

Ito ay isang matalinong pag-iisip dahil, sa pagsisikap nating subukan, maaaring walang sinuman sa atin ang mabubuhay nang ganap na katulad ng pamumuhay ni Jesus. Ang kanyang buhay ay buhay ng buong dedikasyon at lubos na katapatan. Wala siyang ginawa o sinabing mali, ni hindi niya nilalabag ang alinman sa mga batas ng Diyos. Hindi natin maaasahang makamtan ang pamantayang iyan, ngunit kapag sinisikap nating ipamuhay ang buhay ni Cristo bilang mga miyembro ng pamilya ng Diyos, ito ay sa pang mahalagang hakbang sa proseso ng pagtanggap ng buhay na walang hanggan. Sapagkat, kung nais nating maging imortal na katulad ni Jesus dapat muna tayong matutong mag-isip na katulad niya, mahalin ang mga bagay na minahal niya, at tularan ang halimbawang iniwan niya sa atin. Si Apostol Juan ang nagsabi nito:

“Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis” (1 Juan 3:1-3).


Ang pagnanais lamang ng resultang ito – ang maging katulad ng Panginoong Jesus – ay isang kaisipang nagpapadalisay, ito ay tumutulong upang baguhin tayo mula kay Adan patungo kay Cristo. Lahat ng ito ay nagsisimula sa isipan. Ngunit hindi lamang ito iniwan sa atin para gawin ang lahat ng makakaya natin.


Ang Diyos ay para sa Atin

Sa isa sa pinaka-nakakapagpasiglang bahagi ng sulat, sinabi ni Pablo na ang Diyos ay nakikipagtulungan sa atin upang matiyak ang ating kaligtasan. Hindi Niya tayo iniwan kundi kumikilos sa iba't ibang paraan para matapos ang sinimulan Niya sa atin. Kung tayo ay naging Kanyang mga anak at ngayon ay namumuhay tayo kasama Niya, nabubuhay din Siya sa piling natin. Ibig sabihin, ang Kanyang dakilang kapangyarihan at lakas ay aktibo upang tulungan tayo at makikipagtulungan Siya sa atin. Kung magkakaugnay tayo, sa pamamagitan ng bautismo, sa Panginoong Jesus siya rin ay aktibo para sa atin. Sapagkat sinasabi sa Banal na Kasulatan:

Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila” (Hebreo 7:25).

Hindi magagawa ng Diyos o ni Jesus ang lahat ng ito para sa atin; kailangan nating gawin ang ating tungkulin. Hindi nila papalitan ang ating pag-iisip at hindi sila ang mag-iisip para sa atin, o babaguhin ang ating pag-iisip upang maisip natin ang gusto nila. Kung nais ng Diyos ng mga robot ay maaari Siyang lumikha ng mga ito. Sa halip ay nilikha Niya ang kalalakihan at kababaihang maaaring mag-isip para sa kanilang mga sarili. Sa gayon binigyan tayo ng Diyos ng pagkakataong ipakita ang ating pasasalamat at pagmamahal sa pamamagitan ng kusang pagpipiling gawin ang mga bagay na nakalulugod sa Kanya.

Iyan ang pagpipiliian nating lahat ngayon at nasa bawat isa sa atin kung gusto nating pag-abalahan ang tungkol sa Diyos at sa Kanyang layunin, o hindi. Mahal Niya tayo, ngunit walang sinumang pumipilit sa atin na mahalin Siya bilang kapalit; nasa atin na ito. Ngunit kung masigasig tayong ipakita sa Diyos na nagmamalasakit tayo, at talagang gusto natin ang kaloob ng Diyos, ito ang gagawin Niya para sa atin:

Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin...Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? ...Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Roma 8:28-39).


Mas marami pang magagawa ang Diyos para sa atin kaysa inaakala natin at ang Panginoong Jesucristo ang magiging kanang kamay ng Diyos na mamamagitan para sa atin, dahil mahal din niya tayo. Ang mga mananampalatayang nabautismuhan ay pinangakuan ng buhay na kasama ng Diyos at ng Panginoong Jesus, at ito ay magiging relasyong mapagmahal at mapagmalasakit, na bahagi ng proseso ng pagliligtas at pagiging banal. Nagsisimula ito sa isipan, na kailangang baguhin, at kailangan palagi itong ulitin sa pagdulog sa Salita ng Diyos at panalangin, upang ang buong buhay ay magbago ng direksyon.

Sinabi ni Pablo na marami pang bagay sa pagbabagong katulad nito sa mga Kabanata ng Roma 12 hanggang 16 – kung saan ay direktang kaugnay sa ating pag-uugali at paraan ng pamumuhay. Narito ang isang sulyap sa sinasabi niya roon:

“Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos” (Roma 12:1).


Sa talatang ito hindi sinasabi ng apostol ang tungkol sa "Espiritu", kundi tungkol sa pagbabago at pagpapanibago ng ating isipan upang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Ganyan din ang prosesong inilarawan niya sa Roma 8, ibang wika lamang. Ang kanyang punto sa naunang kabanata ay kailangan nating piliing mamuhay sa mas mataas na antas – isang espirituwal na antas. Ang Pinakamakapangyarihang Diyos ay isang espiritu; kaya kailangan nating sikaping maghangad ng mas mataas na mga bagay – "ayon sa bagong buhay ng Espiritu" (Roma 7:6).


Kaligtasan mula sa Kasalanan

Kasunod nito na ang kaligtasan ay hindi isang bagay na nangyayari sa magdamag; ito ay isang prosesong panghabambuhay. Ang bautismo ay talagang isang pangyayari, at napakahalaga nito, ngunit simula ito ng bagong paglalakbay, hindi katapusan ng daan. Tulad ng sabi ni Pablo sa mga Taga Roma:

Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego” (Roma 1:16);

Yamang sa pamamagitan ng kanyang dugo, tayo ngayon ay napawalang-sala, lalong tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos” (5:9);

Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy” (5:10);

Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya?” (8:24).

Kapag binanggit sa Biblia ang "pag-asa", ito ay nangangahulugan ng isang bagay na tunay at makapangyarihan: isang matatag na batayan ng pag-asa na nakaugat sa mga pangako ng Diyos. Sa kontekstong ito, inilalarawan ng apostol kung paano nakatadhanang maging totoo ang gayong pag-asa. Ipinaliwanag niya na igagawad ng Diyos ang kaloob na buhay na walang hanggan sa mga taong namumuhay sa Espiritu: lahat ng may kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo. Sinabi niya na kung sinikap nilang baguhin ang kanilang isipan alinsunod sa kalooban ng Diyos, babaguhin ng Diyos gayundin ang kanilang katawan at gagawin silang walang kamatayan.

Ito ang sinasabi ni Pablo sa Kabanata 8 ng Roma tungkol sa darating na pagbabagong iyon. Makikita ito nang malinaw sa anyo ng talahanayan, na nasa kasunod na paksa.


Ang Pagtubos sa Ating Katawan

Ang katapusan ng proseso ay inilalarawan ni Pablo na humahantong sa pagbabago ng katawan. Ang nagsisimula sa isipan ay nagwawakas sa lubos na pagbabago ng kalikasan, na walang hanggan ang kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan. Sa gayon ay hindi na tayo mabubuhay "sa laman" kundi "sa espiritu"; ang ating katawan ay magiging mga espirituwal na katawan, tulad ng sa Panginoong Jesus at ng mga anghel sa langit. Sa simula ng ating pag-iisip tungkol sa kahulugan ng Espiritu napansin natin na ang salita ay may malawak na kahulugan at ngayon ay makikita natin ang kapakinabangan niyon. Ang proseso ng pagiging imortal ay kailangang magsimula sa isipan at kalaunan ay hahantong sa pagbabago ng katawan. Ang 'buhay ayon sa Espiritu' sa gayon ay may dalawang kahulugan:


“Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga   katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat   itinuring na kayong matuwid ng Diyos.”

  • Sa bautismo nangangako tayong   patayin ang dati nating pamumuhay, dahil nais nating tapusin na ang ating   buhay-makasalanan, ngunit may pag-asa tayo sa buhay dahil mayroon tayong   bagong pag-uugali sa puso't isipan.

“Kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling   bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may   kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.”

  • Ganyan din ang mismong pag-uugali ni   Jesus (isang espirituwal) at ang Diyos, na bumuhay kay Jesus mula sa mga   patay, ay magbabangon sa atin sa takdang panahon, sa pamamagitan ng   kapangyarihan ding iyon na nagsimula nang gumawa para sa atin at namumuhay   kasama natin.

“Sapagkat mamamatay kayo kung   namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa   pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo.”

  • Ang bagong pag-uugali natin – ang   bago nating buhay mula sa Diyos – ay tumutulong sa atin upang daigin ang mga   simbuyo ng damdamin at damdamin natin noon pa man. Kailangan nating patayin   ang mga ito araw-araw kung nais nating mabuhay magpakailanman.


“At hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng   Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay   natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya   sa ating mga katawan.”

  • Ang prosesong ito ng kaligtasan na   mangyayari sa ating kalooban kalaunan ay hahantong sa ating pagkatubos.   Mahirap ngayong daigin ang ating mas mababang kalikasan at mamuhay na katulad   ni Cristo. Gayunman, kung talagang sisikapin nating gawin ito bilang mga anak   ng Diyos, babaguhin Niya tayo upang maging katulad ni Cristo sa kanyang pagbabalik.


  1.  Isang naiibang pag-iisip, at

  2.  Isang naiibang estado ng katawan

Subalit ito ay isang proseso, hindi dalawa: maliban kung sisimulan nating mamuhay nang naiiba ngayon, hindi natin maaring asahang mamumuhay tayo nang kakaiba sa panahong darating. May iba pang sinasabi si Pablo. Sinabi niya na lahat ng nilikha ay sabik na maghintay sa panahon kung kailan palalayain ang lahat sa mga bagay na ngayon ay naglilimita at pumipigil dito. Sa panahon kung kailan palalayain ng Diyos ang kalalakihan at kababaihan mula sa kasalanan at kamatayan, babaguhin rin Niya ang paraan ng pagkatatag ng sanlibutan. Narito ang aktwal na talata:

Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. Nabigo ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. At hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan” (Roma 8:18-23).


Ito ay isa pa sa mga talata kung saan kailangan nating isulat ang iba't-ibang mga bagay na sinabi sa atin – subukan ang pagsasanay na iyon para sa iyong sarili kung nais mo at pagkatapos ay ihambing ang iyong listahan sa isang ito. Sinabi ni Pablo na:

➔ Ngayon nagdurusa tayo; subalit sa panahong darating ang mga bagay-bagay ay magiging maluwalhati. Sinasabi sa banal na kasulatan na sa panahong iyon “...lulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo” (Mga Bilang 14:21).

➔ Kapag ang mga miyembro ng pamilya ng Diyos – ang mga anak ng Diyos – ay ipinahayag sa mundo bilang walang kamatayang mamamayan ng makabagong panahon, ang buong kaauyusang nilikha ay magbabago. Nakaayon ito sa iba pang mga Kasulatan na nagsasalita tungkol sa pagbuhos ng kapangyarihan ng Diyos, na magbabago kapwa ng mga tao at mga lugar (tingnan sa Isaias 32:15);

➔ Ang nilikhang kaayusan ng Diyos ay napinsala ng mga epekto ng kasalanan at ngayon ay nasa "pagkaalipin sa pagkabulok" – lahat ay nasa proseso ng pagkasira at nasa pababang landas. Nangyayari ito dahil sa kasalanan ni Adan nang isumpa ng Diyos ang lupa, sinasabing: “dahil dito'y sinusumpa ko ang lupa, sa hirap ng pagbubungkal, pagkain mo'y magmumula. Mga damo at tinik ang iyong aanihin, halaman sa gubat ang iyong kakainin” (Genesis 3:17,18)

➔ Sa kasalukuyan ang lahat ng buhay ng tao ay napapailalim sa "karumihan" – walang silbi na subukang makamit ang anumang walang katapusan o katuparan maliban sa Diyos. Bahagi ito ng plano ng Diyos, na ang ating pansin sa Kanya at sa Kanyang mapagmahal na handog ng kaligtasan. Nais Niyang mapalaya tayo sa kasalukuyang pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan;

➔ Ang mga problema sa mundo at sa ating personal na buhay ay ang pagsilang ng isang bagong panahon. Ipinahihiwatig ng mga ito na ang malugod na layunin ng Diyos ay malapit nang matupad, kung kailan ang mga taong Kanyang mga anak ay "pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos", na isang maganda at makulay na paraan ng pagsasabi na may mas magandang panahong darating;

➔ Ang ating kasalukuyang katawan ay dapat baguhin at kapag nangyari iyan – kapag ginawa tayong imortal – lahat ng kalungkutan at kalungkutan na nararanasan natin ngayon ay aalisin. Sa bagong panahon sinabi tungkol sa mga lumalakad sa paraan ng Diyos na "Paghaharian sila ng kaligayahan. Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman" (Isaias 35:9,10).


Si Jesus Ang Unang Anak

Ang Panginoong Jesus ay ibinangon mula sa mga patay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos: "pinatunayan ng Banal na Espiritu na siya ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay" (Roma 1:4). Ang pangyayaring iyon ang nagsimula ng bagong buhay ng Panginoon sa piling ng Diyos, sapagkat habang siya ay nabuhay na may malapit na pakikipag-ugnayan sa kanyang Ama, ang kanyang pagiging mortal ang naghihiwalay sa kanila. Si Jesus ay nasa lupa habang nasa langit ang kanyang Ama. Ngayon, dahil hindi nagkasala at nabuhay na muli magpakailanman, umakyat si Jesus sa langit upang manahanan sa kanang kamay ng kanyang Ama. Patuloy na nagtutulungan ang Ama at Anak para sa ating kaligtasan, tulad ng ginawa nila noon, ngunit ngayon ang kanilang gawain ay magkaiba.

Ipinaliwanag ni Jesus sa kanyang mga disipulo noong kasama pa nila siya na pagkatapos ng pag-akyat niya sa langit ay tutulungan pa rin niya sila at magiging malapit sa kanila, subalit ang pagtulong na ito ngayon ay magiging naiibang uri ng tulong. Bilang nabuhay na mag-uli at niluwalhating Anak ang mga limitasyon ng kanyang buhay sa lupa ay aalisin na.


Ang nangyari sa Panginoon ay nagpapakita sa atin ng mga mangyayari sa kanyang mga tagasunod. Ang dakilang pag-asa ng buhay na inaalok ng Biblia ay ang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Sa paglipas ng mga taon nalito ang mga tao tungkol dito dahil sa paganong pagtuturo tungkol sa isang 'imortal na kaluluwa' – na hindi isang terminolohiya o ideyang mula sa Biblia – ito ay naihalo sa kanilang pag-iisip tungkol sa tunay na katuruan ng Biblia. Kung ang lahat ng tao ay nabuhay magpakailanman, o kung ang kanilang bagong buhay ay nagsimula kaagad sa langit pagkatapos nilang mamatay, ano ang magiging punto ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay? Kaya nawalan ng tunay na kahalagahan ang pagkabuhay na mag-uli, at naging hindi akma ang pagtuturo sa Biblia. Hanggang ngayon sa mga libing, maririnig ninyo ang mga ministro at pari na nagsasabing ang 'mahal na pumanaw' ay nakapiling na ng Diyos sa langit at pagkatapos ay nagbabasa sila mula sa Biblia na nagsasabing ang mga patay ay ibabangon. Mas nakalilito pa ito kapag sinasabi ng gayong mga tao kung gaano kasama ang makasalanang katawan at kung gaano ito kabuting mamuhay nang wala ito sa langit, samantalang sinasabi sa Biblia na ang katawan ay ibabangon. Hindi nakapagtatakang nalilito ang mga tao!


Kamatayan – ang Wakas

Ang malinaw na pagtuturo ng Biblia, tulad ng nakita natin, ay kapag namatay tayo, titigil ang ating buhay. Nang sabihin ng Diyos kay Adan: “Sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagaling maghihirap ka hanggang sa malibing. Dahil sa alabok, doon ka nanggaling, sa lupang alabok ay babalik ka rin” (Genesis 3:19), hindi niya ipinangako sa kanya ang buhay sa langit sa pagkamatay niya, kundi ang kaparusahan ng kamatayan sa alabok ng lupa. Ang kamatayan ay kaparusahan, hindi isang gantimpala: ang katapusan ng buhay ay hindi isang bagong simula.

Para sa ilang tao iyan ang magiging wakas, hindi na sila muling mabubuhay. Sinasabi sa Biblia na ang mga hindi nagsisisampalataya ay "mapapahamak"; matutulog sila magpakailanman sa walang kamalayang kalagayan ng kamatayan; hindi na sila muling mabubuhay. Kakatwa, ngunit ang mga taong naniwala na wala silang kamatayan ay tila nakaligtaan ang malinaw na babala mula sa Diyos na, maliban kung gumawa sila ng isang bagay tungkol dito, sila ay mawawala. Sapagkat sinasabi sa Banal na Kasulatan:

Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16);

Hindi ito madadala kapag siya ay namatay, ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan. At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay, dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay; katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay, masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan. Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan, katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!” (Mga Awit 49:17-20);

“Ang lumilihis sa daan ng kaalaman ay hahantong sa kamatayan” (Mga Kawikaan 21:16);

Mga patay na sila at hindi na mabubuhay, sapagkat pinarusahanmo at winasak na ganap, hindi na sila maaalala kailanman” (Isaias 26:14);

“Pumasok kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami” (Mateo 7:13);

“Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno” (Mateo 10:28).


Paggising mula sa Pagtulog

Iisa lamang ang bagay na makapagliligtas sa atin mula sa pagkalipol o lubos na pagkawasak, kapag tayo ay patay na, at iyan ay ang pagkabuhay na mag-uli. Ang Biblia ay hindi kailanman nangangako sa atin ng tirahan sa langit; salungat ito. Mababasa natin ang tungkol sa matatapat noong unang panahon na sila ay "natulog kasama ang kanilang mga ama," kung saan ang pagtulog ay nakapanghihikayat na paglalarawan, sapagkat maaari tayong magising mula sa pagtulog. Sinabi sa atin na ang mga matatapat na tagasunod ng Diyos noong unang panahon ay hindi pa kailanman nagkamit ng ipinangako Niya sa kanila, ngunit makakamtan nila ang mana kapag tinanggap na din ito ng matatapat na tagasunod mula sa lahat ng panahon. At sinabi sa atin na sila ay dumanas ng pagkabulok sa libingan.

Tingnan natin si Haring David bilang isang halimbawa ng isang tapat na lalaking nakalulugod sa Diyos, na binigyang-inspirasyon upang sumulat ng maraming Awit na nagsasalita tungkol sa buhay at kamatayan. Inilarawan siya bilang "isang lalaking aking kinalulugdan;" kaya kung mayroong sinumang makakatakas sa kamatayan at mapupunta sa langit, malamang na mapili si Haring David. Ngunit ito ang sinabi niya sa atin tungkol sa kanya:


Mga   Awit 6:5

David

“Kapag ako ay namatay, di na kita   maaalala, sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?”


Mga   Awit 13:3

David

“Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at   sagutin, huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.”


1   Mga Hari 2:10

Kinasihang   manunulat

“Namatay si Haring David at inilibing sa   Lunsod ni David.”


Mga   Gawa 2:29,34

Apostol

Pedro

“Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko   sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto   ang kanyang libingan hanggang ngayon ...Hindi si David ang umakyat sa langit,   kundi sinabi lamang niya, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka   sa kanan ko”


Mga   Gawa 13:22,36

Apostol

Pablo

At nang siya'y alisin ng Diyos, si David   naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Sinabi ng Diyos tungkol sa   kanya, ‘Si David, na anak ni Jesse, ay isang lalaking aking kinalulugdan, na   handang sumunod sa lahat ng nais ko ...Nang maisagawa na ni David ang   kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa   piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok.


Hebreo   11:32,39,40

Kinasihang   manunulat

Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon   para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David,   Samuel, at mga propeta ...At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila   ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito,   bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi   tumanggap ng ipinangako, sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa   atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.


Ito ang terminolohiyang ginamit sa buong Kasulatan – yaong tungkol sa pagtulog sa kamatayan at paggising mula sa kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay. Narito ang ilang mga pagkakataon:

Muling mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan” (Daniel 12:2)

Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang bata. Ngunit sinabi ni Jesus, ‘Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang.’ Pinagtawanan nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, ‘Bumangon ka, bata!’ Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y agad na bumangon. Pagkatapos, pinabigyan siya ni Jesus ng pagkain” (Lucas 8:52-55)

Idinugtong pa ni Jesus, ‘Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya’. ‘Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,’ sagot ng mga alagad. Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, ‘Patay na si Lazaro’” (Juan 11:11-14);

Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, ‘Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!’ At pagkasabi nito, siya'y namatay” (Mga Gawa 7:60);

At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak” (1 Corinto 15:17,18).


Ang Dakilang Paggising

Noong nabubuhay pa si Jesus sa lupa, nagawa niyang gisingin ang mga tao mula sa pagtulog ng kamatayan. Tunay nga, na dalawa sa mga talatang nakalista sa itaas ang mga himalang ginawa niya nang una niyang bangunin ang anak na babae ni Jairo at pagkatapos ay si Lazaro. Ang mismong katotohanang binangon ni Jesus ang dalawang taong ito ay nagpapakita na hindi niya inisip na mas mabuting mamatay sila, dahil kung totoo na sa kamatayan ay kaagad tayong pupunta sa langit para makapiling ang Diyos, malamang ay nangyari na ito sa kanila. Alam niya na ang kamatayan ay kaparusahan at hindi isang gantimpala, at siya ay natatanging inilagay upang mapalaya ang mga tao mula sa bilangguan ng libingan. Magagawa ito ni Jesus dahil ibinigay sa kanya ng Diyos Ama ang kapangyarihang iyon. Ipinaliwanag niya iyan sa isang pagkakataon sa mga salitang ito:

Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, ‘Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin’” (Juan 5:19-21);

Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan ...Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig at sila'y babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan” (5:26,28,29).

Pansinin kung gaano kaingat ang Panginoong Hesus sa pagtukoy ng pagkakaiba sa pagitan ng kanyang Ama at ng kanyang sarili at upang iugnay sa Ama ang kaluwalhatian at kapangyarihan. Ang paraan ng pagbanggit ni Jesus sa kanyang Ama ay karaniwan, na laging binibigyang-diin ang kanyang sariling kahinaan at lalong dinadakila ang Diyos. Dito ay iniuugnay niya sa Diyos ang kapangyarihang magbigay ng buhay, bagaman sinasabi na si Jesus ay:

➢ binigyan ng Diyos ng kapangyarihang iyan, at

➢ gagamitin niya ang kapangyarihang iyan kapag babangunin na niya mula sa kamatayan mga may pananagutan sa paghuhukom – yaong mga gumawa ng "mabuti" o "masama" sa paningin ng Diyos.


Pagtatagumpay ng Darating

Para mangyari ito, syempre, kailangang bumalik ang Panginoong Jesus sa lupa at iyan ay isang bagay na ipinangako ng Biblia mula pa noong una – na darating ang isang manlulupig balang-araw upang wasakin ang kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan at sa gayon ay palayain ang mga tao. Narito ang isang halimbawa ng temang iyon sa Biblia, mula sa propetang si Isaias:

Sa Bundok ng Zion, aanyayahan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang lahat ng bansa para sa isang malaking handaan. Pinakamasasarap na pagkain at alak ang kanyang ipinahanda. Sa bundok ding ito'y papawiin niya ang ulap ng kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa. Lubusan nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan, at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata. Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan. Sasabihin ng lahat sa araw na iyon: Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas, siya si Yahweh na ating inaasahan. Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.” (Isaias 25:6-9)

“Sinusunod namin ang mga kautusan mo; ikaw lamang ang aming inaasahan” (26:8);

“Ngunit muling mabubuhay ang mga anak mong namatay, mga bangkay ay gigising at aawit na may galak; kung paanong ang hamog sa lupa ay nagpapasariwa, ang espiritu ng Diyos ay nagbibigay-buhay” (26:19).

Ang mga talatang ito ay nagbibigay sa atin ng sulyap sa kung ano ang mangyayari sa pagkabuhay na mag-uli. Binigyan ni Apostol Pablo ng detalyadong paliwanag ang isa pa sa kanyang mga sulat na kailangan nating tingnan sa susunod na kabanata.


Mga Bagay na Babasahin

➔ Ang kapitulo 8 marahil ang pinakamahirap sa aklat ng Roma, lalo na dahil maraming sinasabi tungkol sa Espiritu ng Diyos. Ngayong tiningnan na natin ang paksang iyan sa ilang detalye, maaari mong basahin muli ang kabanata nang dahan-dahan at maingat. Kapag mas maraming impormasyon sa isang talata ng Banal na Kasulatan, mas maraming pakinabang ang makukuha natin sa pamamagitan ng pagsisiyasat nang mabuti at puno ng panalangin tungkol sa itinuturo nito.

➔ Sinasabi sa atin sa Efeso 4 ang tungkol sa Espiritu ng Diyos. Nagsisimula ito sa pagpapaliwanag kung saan ibinigay ang mga kaloob ng Espiritu noong unang siglo at pagkatapos ay sinasabi sa atin ang dapat nating gawin ngayon, sa pamamagitan ng pagpapanibago ng ating isipan at pagkatutong mamuhay na katulad ni Jesus. Kailangan nating malaman kung ano ang totoo at matutunang mamuhay ayon sa pang-unawang iyon.


Mga Katanungang Sasagutin

17.1 Isinalaysay sa atin ng Juan 11 ang pagkabuhay na mag-uli ni Lazaro. Una, ipinaliwanag ni Jesus ang kanyang pinaniniwalaan tungkol sa kamatayan at pagkatapos ay kung ano ang magagawa niya tungkol dito. Tingnan ang talata at ibuod ang natutunan mo tungkol sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. (Juan 11 talata 1-14; 21-26; 43-44)

17.2 Ano ang sinabi ng Diyos kay Adan na mangyayari sa kanya kung magkakasala siya? Paano madaraig ang pangyayaring iyon ayon sa ipinaliwanag ng unang pangako ng Diyos sa sangkatauhan? (Genesis 2:16-17; 3:14-21; I Corinto 15:21-26)

© 2020 by becphilippines

Contact Us

Thanks for submitting!

bottom of page