
Bible Education Center
Digital Library
But seek ye first the kingdom of God, and his righteousness; and all these things shall be added unto you. (Matt. 6:33)
Mga Pangako ng Dios

CBM
Lahat tayo ay nakaranas ng mga pangako na napako. Tulad halimbawa ng mga pangako ng mga politiko kapag eleksiyon. Marami sa mga ito ay hindi natupad. Marahil ganoon din ang mga pangako ng mga boss, o mga kaibigan. At ang masakit sa lahat, minsan ay binibigo tayo kahit ng ating mga mahal sa buhay.
Salamat at hindi ganoon ang ugali ng Dios. Siya ay “sagana sa kaawaan at katotohanan;” (Exodus 34:6). Gagawin at tutuparin Niya ang kanyang mga pangako.
Alam Niya ang lahat at kontrolado Niya ang sansinukob; ang Kanyang pangako ay hindi mapapako.
1. ANONG MGA PANGAKO ANG GINAWA NG DIOS SA BIBLIYA?
Maraming ginawang pangako ang Dios. Narito ang ilan sa mga ito:
Pangako Kay Moises. Sinabi ng Dios,” Nguni't tunay, na kung paanong ako'y buhay at kung paanong mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa” (Numbers 14:21). Ito ay isang patunay na hindi sisirain ang lupa.
Pangako Kay Abram (Abraham), na siyang naging ama ng mga lahi ng Hudyo. Sinabi ng Dios: “At gagawin kitang isang malaking bansa, at ikaw ay aking pagpapalain, at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran: At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo: at pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa.” (Genesis 12:2, 3).
Nang inakay ng Dios si Abraham patungo sa Canaan (modern Israel), ipinangako Niya; “Sapagka't ang buong lupaing iyong natatanaw ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakaylan man. At gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi” (Genesis 13:15, 16). Ang mga pangakong ito ay inulit sa kanyang anak na si Isaac, at sa kanyang apo na si Jacob (Genesis 26:4; 28:13,14).
Maraming mga bansa ang naglaho, tulad ng dakilang Babilonia. Ngunit gumawa ang Dios ng natatanging pangako sa mga Hudyo; “Sapagka't ako'y sumasaiyo sabi ng Panginoon upang iligtas kita: sapagka't gagawa ako ng lubos na kawakasan sa lahat na bansa na aking pinapangalatan sa iyo, nguni't hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo” (Jeremiah 30:11).
Ang mga Hudyo ay nagsipangalat sa iba’t ibang sulok ng mundo, ngunit sila ay nanatiling isang bansa. May isang taong minsan ay nagtanong: “Ano ang sekreto ng mga Hudyo at hindi sila mawasakwasak?” Ang sekreto ay, dahil ang mga Hudyo ay pinili ng Dios at mga saksi Niya sa lupa. May dakilang plano ang Dios sa kanila. Ating titignan sila maya-maya.
Pangako Kay Haring David. Si David ay isang dakilang hari ng Israel, isang “lalaking ayon sa puso ng Dios (1 Samuel 13:14). At dahil dito gumawa ng dakilang pangako ang Dios sa kaniya. “aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo … aking itatatag ang kaniyang kaharian … aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian magpakailan man. Ako'y magiging kaniyang ama, at siya'y magiging aking anak … at ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man” (1 Samuel 7:12-16).
Si Apostol Pedro ay nagsasabi sa atin na ang mga pangakong ito ay matutupad kay Jesucristo. Siya ang anak ng Dios at tagapagligtas ng sanglibutan. Siya ang dakilang “anak ni David”. Sinabi ni Pedro na: “binuhay na maguli ng Dios ang Cristo upang iluluklok sa kaniyang luklukan” (Acts 2:29-32).
Binuhay muli si Jesus mula sa mga patay tulad ng pangako ng Dios sa Psalm 16:10. Darating ang panahon na siya ay babalik para maghari sa luklukan ni David sa Jerusalem (Acts 1:1; Revelation 11:15; Matthew 5:35). Ipinangako ng Dios na: “lahat ng mga hari ay magsisiyukod sa harap niya: lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya.” (Psalm 72:11)
Pinagtibay ng Dios ang mga pangakong ito tungkol kay Jesus kay Maria na kanyang ina sa pamamagitan ng anghel: “at sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama … At siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man;” (Luke 1:32, 33)
Gumawa pa ng maraming pangako ang Dios sa Biblia. Datapwa’t sapat na ang nakita natin upang ipakita na ang Dios ay seryoso sa Kanyang mga plano sa hinaharap para sa lupa, kay Abraham, kay Isaac, kay Jacob, kay David, kay Jesus, at sa mga Hudyo.
2. ALIN SA MGA PANGAKO NG DIOS ANG NATUPAD NA?
Ipinangako ng Dios kay Abraham, Isaac, at Jacob na ang Israel ay magiging isang dakilang bansa, at natupad na ito. Natupad na rin ang pangako ng Dios sa mga Hudyo na hindi sila mawawala o malilipol sa kabila ng kakila-kilabot na paguusig. Ang pagkabuhay na maguli ni Jesus mula sa mga patay ay natupad nang eksakto sa ipinangako ng Dios.
Gayun pa man, marami pa sa mga mahalagang pangako ng Dios ang ating hinihintay.
3. PAANO NATIN MALALAMAN KUNG TUTUPARIN NG DIOS ANG KANYANG MGA PANGAKO?
Nalalaman natin ito sa dalawang magagandang rason;
(a) Ang bawat isa sa mga pangakong ibinigay ng Dios na kaugnay ng nakaraan ay natupad. Ito ang nagbibigay sa atin ng kumpiyansa na tutuparin niya ang Kaniyang mga pangako sa hinaharap.
(b) Ang kapangyarihan ng Dios ay pinakadakila. Hindi maaaring magkaroon ng pagkakamali sa Kaniyang mga plano sa hinaharap.
4. ALIN SA MGA PANGAKO NG DIOS ANG HINDI PA NATUTUPAD?
Ang lupain ng Israel ay hindi pa lubusang natanggap ni Abraham. ‘Ni ang lahat ng mga bansa sa lupa ay hindi pa pinagpapala sa pamamagitan ni Abraham. Sinabi sa Hebrews 11:13, Si Abraham, Isaac, at Jacob …
“ay nangamatay na hindi kinamtan ang mga pangako,”
Huli na nga ba? Hindi. Bubuhayin sila muli ng Dios na gaya nang kay Jesus. At ang mga pangako ng Dios sa kanila ay tutuparin. Sinabi mismo ni Jesus na sila ay makikita sa kaharian ng Dios (Luke 13:28)
Hindi pa umupo si Jesus bilang hari sa trono ni David. At ito ay mangyayari sa kanyang pagbabalik sa lupa (Acts 3:19-21)
Ang mga Hudyo ay nanatili paring isang nasyon. Sila’y nakabalik na sa Israel na lupang ipinangako ng Dios kay Abraham. Ang kanilang pagbabalik ay unang yugto lamang sa mga plano ng Dios, dahil, “siyang magpipisan sa kaniya, at magiingat sa kaniya, gaya ng ginagawa ng pastor sa kaniyang kawan” (Jeremiah 31:10).
Pagkatapos ng pagsubok, ang mga Hudyo ay makakatanggap ng pagpapalang ipinangako ng Dios: “magiging bayan ko sila, at ako'y magiging kanilang Dios. At sa raw na iyon, isang hari (si Jesus) ang magiging hari sa kanilang lahat” (Ezekiel 37:22, 23).
5. MAY PANGAKO DIN BA ANG DIOS SA IYO?
Oo, mayroon – kung handa kang gawin ang dalawang mahahalagang bagay:
(a) Ang sumasampalataya sa magandang balita ng Kaharian, at mabautismuhan (Mark 16:16); at
(b) Mahalin si Jesucristo at sundin ang kanyang mga utos (John 14:21).
Kapag tinupad mo ang mga bagay na ito, ano ang ipinangako sa iyo ng Dios? Ikaw ay mapapabilang sa lahat ng mga biyayang iyong nabasa. Sapagkat, “walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.” (Galatians 3:28)
Isipin mo ito, Ipinangako ng Dios sa iyo na bubuhayin kang muli sa mga patay. Mabibigyan ka ng buhay na walang hanggan. At mabubuhay ka kasama ni Jesus sa kaniyang kaharian. Wala nang mas dakilang pangako na ginawa sa’yo maliban sa mga pangako ng Dios.
Sa mga tunay na mananampalataya, ang buhay ngayon ay isang kasiyahan. Ang mga mahahalagang pangakong ito ay nagbibigay ng kapanatagan ng pag-iisip. Ang pag-asang ito ay: “sinepete ng kaluluwa, isang pagasa na matibay at matatag:” (Hebrews 6:19).
Inaanyayahan ka ng Dios na mapabilang sa Kaniyang mga dakilang pangako. At para matanggap ang mga biyayang ito, kailangan, ikaw ay “matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao.” (Ecclesiastes 12:13)
Gawin mo ito, at sa pamamagitan ng awa ng Dios ikaw ay mabubuhay magpakailanman. ‘Yan ay isang pangako.