top of page

ANO ANG PANANAMPALATAYANG NAKAPAGLILIGTAS?

ANO ANG PANANAMPALATAYANG NAKAPAGLILIGTAS?

BILANG 11

Nang kausapin ni Pablo ang mga Judio sa Antioquia at ipinaliwanag ang Mabuting Balita mula sa Diyos ilan sa mga bagay na sinabi niya ay pumipigil sa atin para mag-isip nang sandali. Ang pagtatanong habang binabasa ninyo ang Biblia ay napakagandang paraan ng pagtukoy sa nalalaman ninyo at ng hindi ninyo pa alam. Isulat mo ang anumang tanong na mayroon ka at maaari kang humingi ng tulong sa ibang tao sa kalaunan o maaari mong makita na habang patuloy kang nagbabasa na ang mga sagot ay magmumula sa iba pang mga talata sa Kasulatan.

Narito ang ilan sa mga tanong na natukoy na natin habang pinag-iisipan natin ang itinuro ng apostol:

a Bakit kaya pinili ng Diyos ang Israel bilang Kanyang espesyal na bansa at kung mahalaga pa rin ba ang mga Judio sa layunin ng Diyos;

b Bakit napakahalaga ni Haring David sa layunin ng Diyos at nagsisimula ang Bagong Tipan sa agarang pagbanggit sa kanya at kay Abraham (Mateo 1:1);

c Ano sinasabi ng Banal na Kasulatan tungkol sa espesyal na inapo ni David;

d Ano ang ipinangako ng Diyos "sa mga ama" tungkol sa gawaing isasakatuparan ni Jesus;

e Kung ang pagpapatawad ay dumarating bunga ng ating pinaniniwalaan, ano mismo ang kailangan nating paniwalaan para maligtas?


Masisimulan na natin ngayong hanapin ang mga sagot sa lahat ng tanong na ito; sapagkat narating na ni Pablo ang punto sa kanyang Sulat sa mga Taga Roma nang sabihin niya sa atin ang tungkol sa pananampalataya. Sa paggawa nito binigyang-tuon niya ang dalawang tauhan sa Lumang Tipan – sina Abraham at Haring David.


Tapat na si Abraham

Si Abraham ang ama ng bansang Judio. Ang kanyang anak na lalaki ay pinangalanang Isaac. Si Isaac ay may anak na nagngangalang Jacob na, sa kabilang dako, ay may labindalawang anak na lalaki; ang mga pamilya ng mga anak na iyon ang naging labindalawang angkan ng bansang Israel. Ngunit may isang bagay pang mas mahalaga tungkol kay Abraham. Noong panahong bumigay ang mundo sa pagsamba sa diyus-diyusan, tumugon si Abraham sa panawagan ng Diyos at nilisan ang lungsod kung saan siya nakatira para pumunta sa isang lugar na ipapakita sa kanya ng Diyos. Tumugon siya dahil handa siyang maniwala sa Diyos at magtiwala sa Kanya. Kamangha-manghang pagpapakita ito ng pananampalataya:

Dahil sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap ng ganoon ding pangako. Sapagkat umasa si Abraham ng isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo” (Hebreo 11:8-10).

Ang tugon na ito ay naglagay kay Abraham bilang tagapagsimula sa mga espirituwal na bagay. Hindi siya nabuhay para sa kasalukuyan kundi para sa hinaharap at nagtiwala siya na bibigyan siya ng Diyos at ang kanyang mga inapo ng walang-hanggang mana, na inilarawan dito bilang "isang lungsod na may matatag na pundasyon".

Sa kapitulo 4 ng Roma, tinawag ni Pablo si Abraham bilang "ama ng lahat ng mga sumasampalataya", "ang ama nating lahat", at "ama ng maraming bansa" (4:11,16,17). Tiningnan niya ang ilang yugto sa buhay ni Abraham – ang mga pagkakataon na nangako ang Diyos kay Abraham, na pinaniniwalaan niya kahit walang katiyakan; ang kanyang pagtutuli; at ang mahabang panahon na sila ni Sara ay tumanda at tumanda at naghintay sa anak na ipinangako ng Diyos sa kanila.


Buhay ng Pananampalataya

Mababasa mo ang buong buhay ni Abraham mula sa katapusan ng Genesis kapitulo 11 hanggang kapitulo 25 (labinlimang kapitulo lahat) at ito ay isang napakahalagang pagsasanay. Kung gagawin mo ito susundan mo ang paglalakbay ni Abraham mula sa Ur ng mga Chaldeo (sa makabagong Iraq) patungong Haran (ngayon ay sa Syria) at pagkatapos ay sa Canaan (na kilala ngayon bilang Israel). Dumating siya kasama ang kanyang pamilya at ilang tagapaglingkod, kasama ang mga kawan ng tupa at baka, at namuhay sila nang walang permanenteng tirahan bilang mga pastol, na pumupunta saanman may mga karaniwang lupain at madalas na nagpapalipat-lipat. Sa paglipas ng mga taon may ilang asawa siya, na kaugalian noong panahong iyon, at habang lumalago ang kanyang pamilya ay lalong nagiging kumplikado ang buhay para sa kanya. Nabuhay siya sa panahong ipinahayag ng Diyos ang Kanyang poot sa pamamagitan ng pagwasak sa Sodoma at Gomorra, ang dalawang lungsod na naging imoral at ganap na walang diyos, at nasaksihan ni Abraham iyon.


Inilarawan si Abraham bilang "kaibigan ng Diyos" at kailangan nating bigyang-atensiyon ang aspetong iyan ng kanyang buhay. Paano siya naging matuwid sa Diyos? Ito ba ay dahil iniwan niya ang Ur kahit hindi niya alam kung saan magwawakas ang kanyang paglalakbay? Kaibigan ba siya ng Diyos dahil sa mga bagay na ginawa niya? Mariing sinabi ni Pablo na hindi iyon ang dahilan.

Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito? Kung itinuring siya ng Diyos na matuwid dahil sa mga nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos. Ano ang sinasabi ng kasulatan? ‘Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos na matuwid.’ Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran. Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya” (Roma 4:1-5).


Ang pananampalataya ni Abraham ay nakapagliligtas na pananampalataya: siyang sinabi ni Pablo na dapat makibahagi ang lahat ng matatapat. Kaya’t ano ang mismong pinaniniwalaan ni Abraham at bakit mahalaga ito sa atin? Nakita na natin na ang pinaniniwalaan natin ay mahalaga at sinasabi sa atin ng apostol na si Pedro kung bakit nang sabihin niyang:

Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang[a] kaluwalhatian at kadakilaan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos. Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan” (2 Pedro 1:3-8).


Mahahalagang Pangako

Ito ay isa pa sa Kasulatang kailangang suriin nang mabuti, dahil marami itong sinasabi sa atin tungkol sa nakapagliligtas na pananampalataya. Gawin ang iyong sariling pagsusuri kung nais mo at pagkatapos ay ihambing ito sa mga puntong nakalista sa ibaba. Sinasabi ni Pedro na:

  1.  Ibinigay sa atin ng Dios ang lahat ng kailangan natin upang matagpuan ang buhay na walang hanggan at maging maka-diyos.

  2.  Matatamo natin ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng pagkakilala sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo (alalahanin ninyong nakita natin ang katotohanang iyon na ipinahayag ng Panginoong Jesus sa Juan 17:3).

  3.  Tinawag tayo ng Diyos – tulad ng minsan niyang tinatawag si Abraham – at binigyan niya tayo ng "mahahalaga at dakilang pangako".

  4.  Ang mga pangakong ito ang paraan para tayo ay "maging kabahagi sa kabanalang mula sa Dios". Ang mga pangako mismo ay mahalagang bahagi ng proseso ng pagiging perpekto, dahil binabago nito ang ating mga hangarin at pagnanasa sa mga bagay patungo sa Diyos at lumayo sa ating likas na makasalanang hangarin.

  5.  Kasunod nito ay lubos na mahalaga kung ano ang ating pinaniniwalaan. Tanging ang mga pangako ng Diyos lamang ang magkakaroon ng epektong nakapagbabago; ang mga pangakong gawa ng tao ay hindi sapat.

  6.  Ang paniniwala sa mga banal na pangakong iyon ang bumubuo sa nakapagliligtas na pananampalataya at ang gayong pananampalataya na nakabatay sa kaalaman ay simula ng buhay na puno ng kabanalan, pagpipigil sa sarili, katatagan, kabanalan, pagmamahal sa mga kapatid at pag-ibig. Ang kaalaman natin tungkol sa Diyos at sa Panginoong Jesus ay makakaapekto sa paraan ng ating pamumuhay at ang mga katangiang iyon ay mag-iibayo habang mas marami tayong nalalaman at mas napapalapit tayo sa kanila.

  7.  Gayunman, hindi tayo naligtas sa pamamagitan ng mga bagay na ginagawa natin kundi sa pamamagitan ng mga bagay na ating pinaniniwalaan – sapagkat tayo ay maliligtas o 'bibigyang-katwiran' sa pamamagitan ng pananampalataya.

Katulad ng kay Abraham, ganoon din sa ang atin. "Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos na matuwid", at kung naniniwala rin tayo sa Diyos tayo man ay mabibilang na 'matuwid'. Nakita na natin na ang pinaniniwalaan natin ay kasinghalaga ng kung paano natin ito pinaniniwalaan; ngayon ay suriin natin kung ano ang tiyak na paniniwala ni Abraham.


Pitong Dakilang Pangako

Si Abraham ay binigyan ng pitong pangako ng Diyos na siyang batayan ng bagong ebanghelyo sa Bagong Tipan, sapagkat ang ebanghelyo ay ipinangaral kay Abraham gayundin sa atin (Galacia 3:8). Ang mga pangakong ito ay nakalista sa ibaba kasama ang mga sanggunian para makita mo at mabasa nang buo ang mga ito.



1. Genesis 12:1-3

“Pumunta   ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at   gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong   dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami. Ang sa   iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,

at   ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;

sa   pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”

Sanggunian sa Bagong Tipan

Galacia 3:8


2. Genesis 12:7

“Ito   ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” [Ang Canaan]


3. Genesis 13:14-17

“Ang buong lupaing natatanaw mo ay   ibibigay ko sa iyo, at sa magiging lahi mo magpakailanman. Ang iyong mga   salinlahi ay gagawin kong sindami ng alikabok sa lupa na di kayang bilangin   ninuman”


4. Genesis 15:5,6

“‘Tumingin ka sa langit at masdan mo ang   mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.’ Si   Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh   bilang isang taong matuwid.”

Sanggunian sa Bagong Tipan

Roma 4:18

Galacia 3:6

Santiago 2:23


5. Genesis 15:13-16

“Ang iyong mga anak at apo ay   mangingibang-bayan at magiging alipin doon sa loob ng 400 taon. Ngunit   paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami   silang kayamanang madadala”

Sanggunian sa Bagong Tipan

Mga Gawa 7:6-7


6. Genesis 17:1-8

“Tutuparin ko ang aking pangako sa iyo at   sa iyong lahi habang panahon, at ako'y magiging Diyos ninyo. Ibibigay ko sa   iyo at sa iyong magiging lahi ang lupaing ito ng Canaan na iyong tinitirhan   ngayon bilang isang dayuhan. Ito ang magiging pag-aari nila sa habang   panahon, at ako ang kanilang magiging Diyos.”

Sanggunian sa Bagong Tipan

Roma 4:17

Mga Gawa 7:5


7. Genesis 22:15-18

“Ako'y nangangako sa pamamagitan ng aking   pangalan—Yahweh … pagpapalain kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin   sa langit at ng buhangin sa dagat. Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang   mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa   daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos.”

Sanggunian sa Bagong Tipan

Mga Gawa 3:25

Hebreo 6:13-14

Hebreo 11:12

Galacia 3:16


Ang mga pangakong ito ba ay kapareho ng sa sarili mong mga paniniwala tungkol sa bumubuo sa ebanghelyo ng kaligtasan? Kung hindi, makikita mo ang buong kapakinabangan ng pagbabasa mo sa Banal na Kasulatan upang makita kung ano talaga ang totoong ipinangako ng Diyos, hindi ang inakala mo. Hanapin mo rin ang mga reperensya sa Bagong Tipan, kung nais mong tiyakin na ang mga pangakong ito ay talagang mahalaga.


Panahon na para ibuod ang ibig sabihin ng mga pangakong ito:

  1.  Ipinakita kay Abraham ang lupain ng Canaan bago siya sinabihan na ito ay ibibigay(1) sa kaniyang mga anak at pagkatapos ay (2) sa kanya at sa kanyang mga anak. Subalit hindi niya kailanman natanggap ang alinman sa lupaing iyon, ni hindi sapat para ilagay ang kanyang paa (tulad ng sinabi ni Esteban sa Mga Gawa 7:5).

  2.  Sinabihan siya na ang kaniyang anak ay magiging isang malaking bansa, na kasing dami ng alabok ng lupa. Natupad ito nang sagipin ng Diyos ang kanyang mga inapo mula sa Ehipto, na 400 na taon sa isang lupain na hindi sa kanila. Ang Exodo 12:40 ay tumutukoy sa pangakong ito (Blg. 5 sa talaan sa itaas) kapag inilalarawan ang pagsilang ng bagong bansa ng Israel. Ang mga tao ang mga inapo ni Abraham, sa pamamagitan nina Isaac at Jacob.

  3.  Sinabihan din si Abraham na ang kaniyang mga anak ay magiging katulad ng mga bituin sa langit; na ang Diyos ay gagawa ng walang hanggang tipan sa kanila at magiging kanilang Diyos, at sila ang magmamana ng lupain kung saan nanirahan si Abraham. Sa gayon siya ang magiging "ama ng maraming bansa", isang pagpapahayag na binigyang-kahulugan ni Pablo sa Roma 4, na ibig sabihin ay si Abraham ang magiging "ama ng lahat ng naniniwala" – mga naniniwala sa lahat ng mga panahon.

  4.  Si Abraham ay magkakaroon ng isang espesyal na inapo na mamumuno sa lahat ng bagay, pati na ang pamumuno sa kaniyang mga kaaway. Ang inapong ito ay maghahatid ng pagpapala sa lahat ng henerasyon – ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala ay ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang daan ng kaligtasan: ng pagiging ‘matuwid sa Diyos'.


Espesyal na Anak ni Abraham

Bagama't kabilang sa mga inapo ni Abraham ang mga taong likas na nagmula sa kanya gayundin sa mga taong tinanggap ang kanyang tapat na halimbawa – ang "alabok ng lupa" at ang "mga bituin sa langit" na tila naglalarawan kapwa ng laman at espirituwal na mga inapo – isa sa kanyang mga anak ay magiging espesyal. Mahalaga na ang huli at pinakadakila sa pitong mga pangako ay tumutukoy sa nag-iisang anak, sapagkat ipinangako kay Abraham na "Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos" (Genesis 22:18).

Ang "anak", o "binhi" sa salitang Ingles na isinalin sa iba pang mga bersyon ay maaaring tumukoy sa maraming inapo o sa isang inapo, at ang pagsasalin na iyon ay matapat na nagpapakita ng kahulugan ng salitang Hebreo. Nakadepende ang interpretasyon sa pagtingin sa mga naunang pangako, kung ang pangako ay tungkol sa isa o maraming inapo. Mabuti na lang at hindi tayo naiiwan sa sarili nating mga pag-iisip sa bagay na ito, dahil ginagabayan tayo ng mga manunulat ng Bagong Tipan – isa pang halimbawa kung paano binibigyang-kahulugan sa Kasulatan ang Kasulatan.


Isang Pag-asa Lamang

Narito ang mga paliwanag tungkol sa dalawang mahahalagang bahagi ng Genesis 22. Kung nabasa mo ang kapitulong iyon ay makikita mo na sinubukan ng Diyos si Abraham sa pamamagitan ng paghiling sa kanya na gawing handog si Isaac – ang kanyang anak na matagal niyang hinintay – bilang sakripisyo. Si Abraham ay naging handang gawin ito, sa paniniwalang bubuhayin siya ng Diyos mula sa mga patay (tulad ng ipinaliwanag sa Hebreo 11:17-19). Ang pinakadakilang gawaing ito ng tapat na pagsunod ay naghatid kay Abraham ng ikapito at pinakadakilang mga pangako, kasama ng isang sumpa – "Ako'y nangangako sa pamamagitan ng aking pangalan—Yahweh" – ang pangako at sumpa na pinagtibay ang kahahantungan. Sa ganitong paraan ipinaliliwanag ng manunulat ng Hebreo ang kahalagahan nito:

Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. Sinabi niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya” (Hebreo 6:13-18).


Ang mga pangako ng Diyos ay makikita bilang mga bagay na napakahalaga na kailangang ipasa sa bawat sali't salinlahi. Dahil sa pagitan ng mga ito binubuo ang "pag-asa". Walang maraming iba't ibang pag-asa – mayroon lamang "iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag" (Efeso 4:4). Ang tunay na pag-asa ng ebanghelyo ay nakabatay sa Panginoong Jesucristo, na nagpahayag ng kanyang sarili bilang "ang daan, ang katotohanan, at ang buhay" (Juan 14:6). Walang maraming katotohanan, iisa lamang; hindi maraming daan, nag-iisang daan lamang na humahantong sa buhay para sa lahat ng nakasusumpong nito at lumalakad sa direksyong iyon.


Sumulat si Apostol Pablo sa Galacia sa napakalakas na katagang nagsasabi sa kanila kung gaano sila ka-mali na sundin ang ibang ebanghelyo mula sa itinuro niya. Nagpatuloy siya sa pagpaliwanag nang detalyado tungkol sa mga bagay na dapat nilang paniwalaan kung gusto nila ng pananampalatayang nagliligtas. Ipinaliwanag niya na bago ibinigay ng Diyos sa Israel ang batas sa pamamagitan ni Moises, siya ay nagbigay na ng mga pangako kay Abraham at sa mga ama. Ngayon, ipinaliwanag niya na ang batas ay natupad na ng gawain ng Panginoong Jesus ngunit ang mga pangako ay nanatiling matutupad pa. Ang paniniwala sa mga pangakong iyon ang daan para makamtan ang pabor ng Diyos. Sa sariling mga salita ni Pablo:

Kung gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham. Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, ‘Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa.’ [Genesis 12:3] Kaya naman pagpapalain ang mga sumasampalataya tulad ni Abraham na sumampalataya(Galacia 3:7-9).

Pagkatapos ay ibinaling ng apostol ang kanyang pansin sa buong kahulugan ng ikapitong pangako, ang pinagtibay nang may panunumpa, na sumumpa sa mismong pangalan ng Diyos, at ito ang sinasabi niya:

Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo” (Galacia 3:16).


Pinagtitibay ng kinasihang paliwanag na ito ang inaasahan natin kapag tinitignan ang Genesis kapitulo 22 – na pinangakuan si Abraham ng isang espesyal na inapo na tutupad sa mga pangako. Malinaw sa isang bagay na minsang sinabi ng Panginoong Jesus na iyon ay naunawaan ni Abraham sa kanyang sarili. Alam ng matapat na lalaking ito na balang-araw, isang inapo ang isisilang sa kanyang pamilya na sasakop sa “lunsod ng kanilang mga kaaway", at kanino "ang lahat ng bansa sa daigdig" ay pagpapalain. Ang tagpo ng pangakong iyan ay nagbibigay ng tanda sa kanyang pang-unawa dahil puno ito ng kahalagahan.


Ang Bugtong na Anak

Tulad ng sabi ni Pablo sa Roma 4, matagal nang hinintay ni Abraham ang pagsilang ni Isaac, ang anak na ipinangako sa kanya at kay Sara. Nang isinilang na sa wakas ay pareho na silang may katandaan upang mangyari ang isang natural na panganganak. Ito ay isang himala: bunga ng kanilang matagal at mahabang pananampalataya. Hindi kailanman nawalan ng pag-asa si Abraham, bagama't papalapit na siya sa 100 taong gulang at si Sara ay wala pang anak sa buong buhay niya. Talagang kamangha-mangha ang kanyang pananampalataya.

Hindi nanghina ang kanyang pananampalataya kahit uugud-ugod na siya, palibhasa'y isandaang taon na siya noon, at ang kanya namang asawang si Sara ay baog. Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang lumakas dahil sa kanyang pananampalataya at nagpuri pa sa Diyos. Lubos siyang naniwala na tutuparin ng Diyos ang ipinangako nito. Kaya't dahil sa kanyang pananampalataya, siya'y itinuring na matuwid ng Diyos” (Roma 4:19-22).


Pagkatapos, isang araw, hiniling ng Diyos kay Abraham na magpunta sa Bundok ng Moria (kung saan itatayo ang Jerusalem kalaunan) at ialay ang kanyang anak – ang kanyang nag-iisang anak – bilang sakripisyo. Kamangha-mangha at napakagandang pag-uugaling gagawin din mismo ng Diyos. Makalipas ang ilang taon ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang isakripisyo sa parehong lugar at ang kabanatang iyon ay puno ng pahiwatig sa mga bagay na magaganap sa hinaharap. Sina Abraham at Isaac ay iniligtas mula sa aktwal na pagsasakripisyo. Sa halip ipinaliwanag ng anghel na pumigil kay Abraham na balang-araw ay gagawin ng Diyos ang panustos – isang sakripisyo para sa mga kasalanan ng mundo.

Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog sa halip na ang kanyang anak. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, ‘Si Yahweh ang Nagkakaloob.’ At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, ‘Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan’” (Genesis 22:13-14).


Ito ay isa pa sa mga pangakong tumutukoy sa hinaharap. Ang Anak ng Diyos ang siyang ilalaan ng Diyos upang tumupad sa mga pangako at magdala ng pagpapala sa sangkatauhan. Sa gayon si Abraham ay umaasa sa araw na yaon na kailangan din niya tulad ng sinuman sa atin. Iyan ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus nang sabihin niyang:

Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak” (Juan 8:56).


Hindi ibig sabihin nito na si Jesus ay naroroon na noong panahon ni Abraham, sapagkat wala pa. Ibig sabihin inasam ni Abraham ang panahon na isusugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak, na isinilang ni Maria, mula sa linya ng pamilya ni Abraham. Ito ang isang dahilan kung bakit nagsisimula ang Bagong Tipan sa pagsasabi ng mga salitang:

“Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham” (Mateo 1:1).


Mga Pangako kay David

Isang libong taon matapos mamatay ni Abraham ay natupad ang ilan sa mga pangakong ginawa sa kanya. Ang kanyang mga inapo ang bumubuo sa isang bansa na ngayon ay sumasakop sa lupain kung saan siya nakatira. Nabuo sila bilang isang bansa pagkaraan ng maraming taon nang sila ay maging mga estranghero sa Egipto. Lumabas sila sa lupaing yaon na may maraming pag-aari, at iniligtas mula roon ng mahimalang kapangyarihan ng Diyos. Inilabas sila sa pamumuno ni Moises, at nadaig nila ang lupain ng Canaan sa ilalim ng pamumuno ni Josue. Kalaunan ay binigyan sila ng Diyos ng mga hari upang mamuno sa kanila. Si David ang pangalawang pinunong ito at sa ilalim ng kanyang pamamahala ang Israel ay sumakop sa mismong lugar na itinampok sa Genesis 22. Hiniling ng Diyos kina Abraham at Isaac na pumunta roon at doon ay ibinigay Niya sa kanila na ikapito at pinakadakilang pangako – ang isa ay tungkol sa isang inapo na darating at magdadala ng pagpapala sa lahat ng bansa.

Noong panahon ni David ang lugar ng Bundok ng Moria ay lalo pang umunlad at naging bahagi ng lungsod ng Jerusalem, na sinakop ni David mula sa mga naunang nakatira dito. Pagkatapos ito ang naging kabiserang lungsod ng Israel. Iniuugnay ito ng mga Judio sa panahong 1000 taon bago si Cristo, at mga 3000 taon sa lahat na. Sa mismong lugar na ito, gumawa ang Diyos ng malalaking pangako kay David, mga pangakong nakabase sa sinabi kay Abraham na mangyayari.

Nagsimula ito nang sabihin ni David na gusto niyang magtayo ng templo ng Diyos – isang permanenteng lugar ng pagsamba sa halip na tolda na ginagamit noon. Si David ay isang mandirigma at nais ng Diyos na magtatag ng templong magiging Bahay ng Kapayapaan, kaya sinabi Niya na hindi angkop na ipagtayo Siya ni David ng gayong tirahan. Sa halip sinabi ng Diyos na gagawin Niya ang isang bagay para kay David at sa kanyang mga inapo. Kung nais mong gawin ang talaan ng mga pangako tulad ng ibinigay kay Abraham, ngayon ang panahon para basahin ang II Samuel 7, isulat ang mahahalagang punto tungkol sa gagawin ng Diyos, at pagkatapos ay ikumpara ang iyong mga natuklasan sa listahan sa ibaba.


Narito ang mahahalagang bahagi ng kasunduang ginawa ng Diyos kay David, isang taimtim at nagbibigkis na kasunduan na kalaunan ay tinukoy ito bilang tipan ng pangako:

“Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? … ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin … Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. Ako'y kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak. Ngunit ang paglingap ko sa kanya'y hindi magbabago … Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman”  (2 Samuel 7:5-16).


Pagsasagawa nito

Ang ilang talatang ito ay naglalaman ng maraming iba't ibang pangako. Ang mga pangako kay Abraham ay ipinakalat ng ilang mga taon; ang kay Haring David ay pinagsama-sama, kaya’t napapadali ang ating pagsusuri. Ito ang sinasabi sa atin:

  1.  Si David ay ginawang hari ng Diyos sa Kanyang bayang Israel – pansinin na ang bansang ito ay espesyal, sapagka't sila'y bayan ng Dios. Kailangan nating tingnan iyan nang mas detalyado sa kalaunan.

  2.  Tinulungan ng Diyos si David na madaig ang kanyang mga kaaway at patuloy siyang makikipagtulungan sa kanya upang maging isa siyang dakilang hari.

  3.  Makikipagtulungan din siya sa kanyang piniling bansa, ang Israel, upang manatili silang ligtas at payapa; magkakaroon sila ng kapahingahan mula sa lahat ng kanilang kaaway.

  4.  Si David ay magkakaroon ng dinastiya – "ang sangbahayan ni David" – na magmamana sa kaniyang trono; kalaunan ay nakumpirma na magkakaroon ng linya ng mga hari na bumaba mula kay David na maghahari sa luklukan sa Jerusalem (tingnan ang halimbawa sa II Mga Hari 8:19; 19:34).

  5.  Pagkamatay ni David, magbabangon ang Diyos ng inapo ni David na magiging kaniyang anak – "magmumula sa lahi mo" – at itatatag ng Dios ang kaniyang kaharian. Ito ay isang pangakong katulad ng natanggap ni Abraham tungkol sa isang espesyal na inapo dahil nilinaw ito ng sumusunod na mga detalye.

  6.  Ang inapong ito ay magtatayo ng bahay para sa Dios. Ang ibig sabihin ng salitang "bahay" ay isang templo o grupo ng mga taong magkakaugnay, o pareho.

  7.  Ang Kanyang kaharian ay magtatagal magpakailanman.

  8. 8 Ang Dios ay magiging Kaniyang Ama at siya'y magiging Anak ng Dios.

  9.  Kung ang Anak na ito'y mangagkatiwala sa kasamaan ay parurusahan siya, nguni't ang matatag na pagibig ng Dios ay hindi lilisan sa kaniya.

  10. 10 Ang sangbahayan ni David at ang kaharian ni David ay tiniyak na magpakailanman sa harapan ng Diyos.


Ang sampung puntong ito ay tumutukoy sa dinastiyang natatangi, dahil ito ay may kinalaman sa Kaharian ng Diyos. Si David ay piniling maging hari para sa Diyos, para sa bayan ng Diyos hindi lamang sa sarili niyang mga tao, at ang trono ni David ay tinukoy kalaunan bilang "luklukan ng Panginoon". Namuno siya sa ngalan ng Diyos at dahil lamang sa pagsang-ayon ng Diyos, at magkakapareho ito para sa lahat ng kanyang kahalili. Makikipagtulungan ang Diyos sa kanila tulad ng pakikipagtulungan Niya kay David upang itatag ang mga ito, bigyan sila ng tagumpay sa mga tuntunin ng kapayapaan, kaligtasan at seguridad. Kung nanatili silang tapat sa Diyos, uunlad sila at ang bansang pinamamahalaan nila. Gayunman, kung nilabag ng hari o ng bansa ang batas ng Diyos at nawalan ng pananampalataya, sila ay didisiplinahin at parusahan.


Espesyal na Anak ni David

Kailangang magkaroon ng maraming hari na maghahari sa trono ni David sa Jerusalem – 22 lahat at naghari sila nang mahigit 400 taon. Susuriin natin ang Kaharian ng Diyos nang mas detalyado sa susunod na kabanata. Sa ngayon, pansinin na tinupad ng ilang hari ng sangbahayan ni David ang mga bahagi ng mga dakilang pangako. Halimbawa, si Haring Solomon, na sumunod na kahalili ni David, ay nagtayo ng templo sa Jerusalem; ang templong nais ni David na itayo para sa Diyos. Maraming hari na tumanggap ng tulong mula sa Diyos upang matiyak na ang bansa ay nanirahan nang maingat ligtas, ngunit lahat sila ay nakagawa ng kasamaan sa anumang paraan; maging si David mismo ay nahulog sa kategoryang iyon. Kailangan pang magkakaroon ng napakaespesyal na inapo para makaiiwas diyan. Subalit ang gayong inapo ay nilayon sa hangarin ng Diyos, na magiging karapat-dapat na itatag ang kaharian magpakailanman.


Pinag-isipan kaagad at ng mahabang panahon ni David ang mga pangakong ito na ginawa sa kanya ng Diyos. Ang kanyang agarang reaksyon ay isang pagpapahalaga na ang ipinangako ng Diyos ay hindi madaling makamit, dahil sinabi niya:

Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh. Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, O Panginoong Yahweh, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko para sa hinaharap” (2 Samuel 7:18-19).

Naunawaan niya na ang mga pangakong ginawa ng Diyos ay mag-uukol ng panahon bago maisakatuparan, ngunit kailangang mapansin at turuan ang sangkatauhang tungkol doon. Ang pananalig na hindi darating ang anak ng Diyos nang walang tulong mula sa Diyos ay nanatili sa buong buhay niya sapagkat sinabi niya sa kanyang huling mga salita:

Ang haring namamahalang may katarungan at namumunong may pagkatakot sa Diyos, ay tulad ng araw sa pagbukang-liwayway, parang araw na sumisikat kung umagang walang ulap, at nagpapakislap sa dahon ng damo pagkalipas ng ulan. Gayon pagpapalain ng Diyos ang aking sambahayan, dahil sa aming tipan na walang katapusan, kasunduang mananatili magpakailanman. Siya ang magbibigay sa akin ng tagumpay, ano pa ang dapat kong hangarin?” (2 Samuel 23:3-5).

Maliban kung pagyabungin ng Diyos ang mga bagay na ito, napagtanto ni David na hindi ito maisasakatuparan. Hindi makakamtan ng sangkatauhan ang gayong resulta; sapagkat ang espesyal na inapo ni David ay magiging anak ni David at Anak ng Diyos. Napakagandang ideya nito na nararapat lamang na mas detalyadong isaalang-alang kapag iniisip natin ang Kaharian ng Diyos. Sa ngayon pansinin ang dalawang bagay tungkol sa dalawahang magulang na ito:

  1.  Isa ito sa mga unang bagay na binanggit ni apostol Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Roma - “Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David; subalit tungkol sa kanyang pagka-Diyos, pinatunayan ng Banal na Espiritu na siya ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay” (Roma 1:1-4; tingnan din sa Mga Gawa 13:22,23).

  2. Isang bagay ito na binigyang-punto ng Panginoong Jesus sa kanyang mga kalaban nang hamunin nila siya tungkol sa mga pag-angkin na ginawa niya – na ang Mesiyas ay kinailangang maging inapo ni David at ng sariling Anak ng Diyos: “‘Ano ang pagkakilala ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?’ ‘Kay David po,’ sagot nila. Sabi ni Jesus, ‘Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ noong pinapatnubayan siya ng Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’ Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?’ Isa man sa kanila'y walang nakasagot, at mula noo'y wala nang nangahas magtanong sa kanya” (Mateo 22:42-46).

Malinaw na malinaw ang punto ng Panginoon kahit ayaw itong harapin ng kanyang mga kalaban. Ang Mesiyas ay magkakaroon ng dalawahang magulang. Siya ay magmumula sa angkan ni David – sa pamamagitan ni Maria – ngunit siya rin ay sariling Anak ng Diyos. Dahil dito magkakaroon siya ng katayuang mas mataas kaysa kay David, na isa sa mga pinakadakilang hari ng Israel.


Buod

Nakita natin na ang mga pangakong ito na ginawa kina Abraham at David ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo, na nakabatay sa Panginoong Jesucristo. Ibinadya ng mga ito ang pagdating ng isang espesyal na inapo na magtatamo ng maraming bagay at maghahatid ng malalaking pagpapala sa sangkatauhan. Sasakupin niya ang lahat ng kanyang kaaway at maghahari bilang hari magpakailanman, sa bayan ng Diyos at sa trono ng Diyos.


Si Abraham ay ama ng isang anak – Isaac – tulad ng ipinangako ng Diyos at sa takdang panahon ay mabubuo ang isang bansa; lahat ng tao dito ay nagmula kay Abraham, sa pamamagitan nina Isaac at Jacob. Sinakop nila ang lupang pangako ngunit hindi nila ito tinirhan magpakailanman at walang hari na magmumula sa kanila na lubos na makatutupad sa batas ng Diyos. Ilang daang taon pagkatapos ng paghahari ni David ay tumigil sa pag-iral nang sabay-sabay ang kaharian at hindi pa ito muling nabuo. Ngunit ang pananampalatayang nakapagliligtas ay nangangailangan ng ating pang-unawa na ang mga pangako ng Diyos ay hindi nabigo; hinihintay lamang nito ang katuparan ng paghahari ng darating na hari sa trono ni David.


Mga Bagay na Babasahin

➔ Ang mga pangako ng Diyos kay Abraham ay napakahalagang basahin sa orihinal na kaganapan (Genesis 12:1-3; 12:7; 13:14-17; 15:5,6; 15:13-16; 17:1-8; 22:15-18).

➔ Gamit ang Talahanayan sa pahina 145 at 146[1] , hanapin ang mga sanggunian na nakalista sa Bagong Tipan para makita sa inyong sarili kung paano naipaliwanag at gagamitin ang mga pangakong iyon.

Mga Katanungang Sasagutin

11.1 Sa ilang pangungusap ipaliwanag kung bakit pinili ng Diyos ang Israel bilang Kanyang espesyal na bansa at kung ito man ay mahalaga ngayon sa layunin ng Diyos?

11.2 Maaari ka bang gumawa ng listahan ng mga bagay na isasakatuparan ng espesyal na anak o inapo? (Genesis 22:15-18 at II Samuel 7:12-16)

need to identify the pages

bottom of page