top of page

ANG PANGAKONG GANTIMPALA

ANG PANGAKONG GANTIMPALA

BILANG 19

Ang pagkabuhay na mag-uli ay maghahatid sa atin sa hukuman ni Cristo sa kanyang pagdating. Sa paghuhukom na iyon ang mga nabuhay na mag-uli ay ipatatawag. Hindi lahat ay tatawagin sa paghuhukom at ang Diyos ang magpapasiya kung sino ang tatawagin at sino ang maiiwan upang mabulok. Ang mahalaga ay kung paano tumugon ang mga tao sa paanyayang ginawa ng Diyos, at mga ibinibigay Niyang mga babala, sa Bibiliya na Kanyang Salita.


Ang mga taong hindi pinapansin ang Diyos at pinipiling maging di-makadiyos at hindi matuwid ay parurusahan, tulad ng maagang nilinaw ni Pablo sa kanyang Sulat sa mga taga Roma (tingnan sa 1: 18-21). Doon ay tinukoy niya yaong mga tao na nagkaroon ng mga pagkakataong matutunan ang tungkol sa Diyos ngunit hindi nila ninais na malaman ang mga ito. Sa kabanatang ito nais nating isipin ang tungkol sa kung ano ang mangyayari sa mga tinanggap ng Diyos at ang naaayong gantimpala para sa kanila.


Sa paggalugad sa sulat ni Pablo, naabot na natin ang kapitulo tungkol sa bagong buhay ng mananampalataya kay Cristo. Nanghihikayat ito upang tayo ay "lumakad ayon sa Espiritu" at upang samahan ang lahat ng mga naghihintay sa parating na pagbabago. Sabi ng apostol:

Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak.At hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan” (Roma 8:22,23).


Ito ay mga positibong salita para sa mga mananampalatayang hinihimok upang mag-asam sa inaaasahang parating na pagbabago. Hindi sinusubukan ni Pablo na takutin sila sa kaisipan ng hukuman ni Cristo. Bagkus, sinimulan niya ang bahaging ito ng kanyang sulat sa pamamagitan ng pagsasabing hindi sila dapat na mag-alala kung namamumuhay sila ayon sa matuwid na paraan - na matapat na sinusunod ang mga bagay na ipinahayag ng Diyos:

Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus ...sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.” (Roma 8:1-4).


Kaya't ang hukuman ni Cristo ay hindi isang bagay na kinatatakutan, sapagkat nabubuhay tayo ngayon na mayroong matuwid na relasyon sa Diyos at nagkakaroon ng isang espiritwal na pag-uugali at pamumuhay. Napakaraming bagay sa ginagawa natin ngayon na tumutukoy kung ano ang mangyayari pagkatapos. Sa Roma 9, patuloy na sinabi ni Pablo na ang Diyos ay may buong karapatan na magpasya sa kalalabasan ng lahat sa pagdating ni Jesus. Dahil ang Diyos ang Kataas-taasan: Siya ang Tagapamahala sa lahat. Ipahahayag Niya ang Kanyang galit sa mga karapat-dapat dito at ang Kanyang awa sa mga pipiliin Niyang kalugdan.


Pagtatanim at Pag-aani

Sa isa pa sa kanyang mga sulat, gumamit si Pablo ng isang imahe mula sa pagsasaka upang ilarawan ang paraan kung saan kailangan nating maghanda para sa hinaharap nang sabihin niyang:

“Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko” (Galacia 6:7-9).


Muli, ito ang pagpili sa pagitan ng "laman" at ng "espiritu" - ng pagpapalugod sa ating sarili at namumuhay     nang naaayon sa ating kagustuhan, o pamumuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos at pagbibigay sa Kanya ng kaluwalhatian. Pansinin na ang kahihinatnan ay kapansin-pansing tulad ng nakita natin mula sa iba pang mga sipi ng Banal na Kasulatan - na patungo tayo sa "buhay na walang hanggan" o ang ating pag-iral ay mauuwi sa "pagkabulok". Ang pinakamainam na resulta ay halata! Ang ating ginagawa ngayon ang tutukoy sa kung ano ang mangyayari - ito ay isang klasikong halimbawa ng "sanhi at bunga".


Ginamit ni Jesus ang parehong anyo - ng pagtatanim at pag-aani - sa kanyang mga talinghaga. Tinutukoy niya sa isa ang tungkol sa maghahasik na naghasik ng kanyang binhi sa iba`t ibang uri ng lupa na pagkatapos ay tumubo alinsunod sa mga katangian nito. Napakahirap magkaugat ng binhing napunta sa daanan; ang mabatong lupa ay masyadong mababaw; ang naligaw sa madamong lupa ay masyadong napupuluputan; ang mabuting lupa ay nagbunga ng ani. Ang isa pang talinghaga ay tungkol sa isang magsasaka na naghasik sa bukid ngunit ang kanyang kaaway ay dumating at naghasik ng mga damo doon: Sinabi ni Jesus na ang mabuti at masama ay dapat na paghiwalayin sa panahon ng pag-aani. Sinabi niya sa isa pa ang tungkol sa isang lalaki na nagtanim ng binhi at pagkatapos ay pinanood itong lumalaki:

“Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. Kapag hinog na ang mga butil, agad itong ginagapas ng taong naghasik sapagkat panahon na para ito'y anihin” (Marcos 4:28,29).


Itinuturo ng lahat ng mga talinghagang ito na ang mga bagay ay nagbabago sa paglipas ng panahon, maging mabuti man o masama, at sa paglao’y darating ang oras ng pagtutuos kung kailan matutukoy ang dami at kalidad ng ani. Malinaw na sinabi ni Jesus na ang pag-aani sa kanyang mga talinghaga ay kumakatawan sa pagtatapos ng panahon (Mateo 13:39), kaya't ang ideya ng pagtatanim at pag-aani bilang isang talinghaga ng buhay "kay Cristo" ay nailapat nang mabuti bago ito ginamit ni Pablo. Isang pangunahing punto ng partikular na temang ito ay yaong mga pagbabago na gumugugol ng panahon bago tuluyang maabot at hindi palaging maliwanag kung ang isang bagay na nagsimula nang maayos ay matatapos nang maayos sa katagalan. Dumaan ang binhi sa maraming yugto bago makumpleto ang siklo ng paglago - una ang pagtubo, pagkatapos ang pagkakaroon ng dahon at bulaklak at pagkatapos ang bunga o butil kung saan, kung hinog na, ay maaaring anihin. Pareho ito sa ating pag-unlad na espiritwal. Ang mga bagong ideya ay naihasik sa ating isipan at matagal bago mag-ugat ang mga ito at mas matagal pa bago kumapit nang husto sa ating isipan upang baguhin ang ating mga pag-uugali.


❖  Ang Pag-aani ng Muling Pagkabuhay

Ginamit ng apostol na si Pablo ang ideya ng pagpapalago ng prutas at pagkahinog sa paglipas ng panahon nang inilarawan niya kung paano ang katawan sa pagkabuhay na mag-uli. Sa nakalipas na kabanata tiningnan natin ang ilan sa kanyang maingat na pangangatuwiran sa 1 Corinto 15 at maaaring nabasa mo ang buong kabanata sa oras na iyon. Kung hindi, ito ay magandang panahon upang basahin ito, sapagkat inihanda ni Pablo ang katanungang ito upang sagutin:

“Subalit may magtatanong, ‘Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?’” (1 Corinto 15:35).

Sinasagot niya ito sa pamamagitan ng pagsasabi ng tungkol sa proseso ng pagtatanim at pag-aani at habang ginagawa ito ay inihahambing at kinukumpara ang estado na nararanasan natin ngayon sa kalagayang naghihintay sa lahat na itinuring na karapat-dapat bigyan ng kaloob ng buhay na walang hanggan:

“Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. 37 At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. 38 Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan” (15:36-38).

Mas magiging malinaw kung titingnan ang dalawang magkakaibang posisyon sa anyo ng isang talahanayan, ngunit walang tunay na kahalili sa pagbabasa ng mga talata.


I Cor 15:42

Paano tayo sa buhay na ito - Ang inilibing ay mabubulok

Paano tayo sa buhay na darating...hindi mabubulok kailanman ang   muling binuhay

I Cor 15:43

Paano tayo sa buhay na ito - walang karangalan at mahina nang ilibing

Paano tayo sa buhay na darating... marangal at malakas sa muling   pagkabuhay

I Cor 15:44

Paano tayo sa buhay na ito -..inilibing na katawang pisikal

Paano tayo sa buhay na darating... muling mabubuhay bilang katawang   espirituwal

I Cor 15:48

Paano tayo sa buhay na ito -Ang katawang panlupa (Adan) ay katulad ng nagmula sa lupa

Paano tayo sa buhay na darating... ang katawang panlangit (Jesus)   ay katulad ng nagmula sa langit

I Cor 15:49

Paano tayo sa buhay na ito -Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa

Paano tayo sa buhay na darating... matutulad din tayo sa taong   nanggaling sa langit

I Cor 15:50-52

Paano tayo sa buhay na ito -ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian   ng Diyos, at ang katawang nasisira ay hindi maaaring magmana ng hindi   nasisira

Paano tayo sa buhay na daratinglahat tayo'y mamamatay ngunit lahat   tayo'y babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling   pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay   muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat.

I Cor 15:53

Paano tayo sa buhay na ito -Ang ating katawang nabubulok

Paano tayo sa buhay na darating... ay mapapalitan ng hindi   nabubulok

I Cor 15:53-54

Paano tayo sa buhay na ito -...ang katawang namamatay

Paano tayo sa buhay na darating... ay mapapalitan ng katawang hindi   namamatay.


Inilalarawan ni Pablo ang isang proseso ng pagbabago at pag-unlad na ang kalalabasan ay napaka kakaiba kaysa sa mga bagay sa kasalukuyang panahon. Ang nasisira ay magiging hindi masisira; ang natural ay magiging espiritwal; ang makalupa ay magiging makalangit at ang mortal ay magiging walang kamatayan. Magbubunga ang lahat sa pagbabalik sa lupa ni Jesucristo at sa pagtunog ng huling trumpeta. Pagkatapos, tulad ng nalaman natin mula sa 1 Tesalonica 4: 13-18, ang mga patay na nabuhay na mag-uli at ang mga nabubuhay na natitira ay iaangat upang salubungin ang Panginoon, bago ang kanilang pagharap sa hukuman, at ang pagbibigay ng buhay na walang hanggan.

Itala nang mabuti kung ano ang ating ginawa, dahil ito ay isa pang hakbang sa pag-unawa sa Bibliya sa iyong sarili. Nakita na natin nang detalyado ang 1 Corinto 15, talata 42-54, at nakita ang pagkakaiba na ginawa ni Pablo sa pagitan ng dalawang estado, bago at pagkatapos ng proseso ng pagkabuhay na mag-uli. Mas maaga nating tiningnan ang 1 Tesalonica 4: 13-18 sa katulad na detalye at nakalista ang ating mga natuklasan mula sa mga talatang iyon. Ngayon lang natin pinagsama ang dalawang piraso ng impormasyon upang makakuha ng isang mas kumpletong larawan. Iyon ang paraan ng paghahatid ng Bibliya ng mensahe ng Diyos. Hindi ito nakaayos sa mga paksa, upang kung nais mong malaman ang tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan, halimbawa, tingnan mo lamang ang mga pahina 25-35. Kailangan mong hanapin ang buong larawan sa pamamagitan ng pagbabasa ng lahat at pagtagpi-tagpiin ang iyong mga natutunan, katulad ng isang jigsaw puzzle. Iyon ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus na:

Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan” (Mateo 7:7,8); at

“Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!” (3:15,26).


Karapatan ng Diyos

Ang buhay na walang hanggan ang pinakamagandang gantimpala na maibibigay sa atin ng Diyos, na inilaan sa atin upang mamuhay magpakailanman sa masaya at nakalulugod na kapaligiran. Walang sinumang gustong mabuhay magpakailanman sa kalungkutan at palagiang pagdurusa. Ngunit sino ang magpapasiya kung sino ang mabubuhay at mamamatay, at anong karapatan ang mayroon siya upang gawin ang gayong napakahalaga at komprehensibong desisyon? Iyan ang isyung pinagtuunang-pansin ngayon ng apostol, habang nagpapatuloy sa kanyang Sulat sa mga Taga Roma, sa kapitulo 9. Una ay tinukoy niya ang layunin ng Diyos sa bansa ng Israel at sinabing siya ay nagdalamhati sapagkat hindi nila tinanggap si Cristo. Ngunit, paliwanag niya, hindi sila kailanman maliligtas dahil lamang sa likas nilang magmua kay Abraham.


Sa kalikasan lahat tayo ay nagmula kay Adan at marami na tayong nalaman tungkol sa ibig sabihin nito – hindi lamang tayo namamatay na nilalang, tayo ay likas na kinalulugdan ang ating sarili sa halip na ang Diyos. Kailangan natin ng bagong kalikasan: ang muling pagsilang ng tubig (sa bautismo) at ng Espiritu (kapwa sa pag-unlad ng espirituwal na isipan at kalaunan sa pagkabuhay na mag-uli tungo sa bagong buhay sa isang 'espirituwal na katawan'). Ang parehong bagay ay nangyari sa buong kasaysayan, kabilang na sa bansang Israel. Bagama't ginawa itong espesyal na bansa, kinailangang hanapin ng mga Judio ang kaligtasan ng Diyos sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanyang mga pangako. Ganito ito ipinaliwanag ni Pablo:


“Hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. At hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, ‘Magmumula kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.’ Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos (Roma 9:6-8).


Ipinaliwanag pa niya na, bagaman ang kaligtasan ay walang bayad na kaloob ng Diyos, na walang sinumang makatatamo, karapatan ng Diyos na magpasiya kung sino ang maaaring magmana ng buhay na walang hanggan at hindi maaaring magmana ng buhay na walang hanggan. Ginagamit niya ang pigura ng isang magpapalayok na naghuhulma ng luwad at sinasabi na ang putik ay walang karapatan na magreklamo sa magpapalayok kung ano ang kalalabasan nito – kung isang plorerang display para sa mga tao o isang palayok na gagamitin lamang sa kusina:

Tao ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” Wala bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik? Kaya, kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian” (Roma 9:20-23).


May ilang kumplikadong argumento dito tungkol sa mga pinipili ng Diyos at ng mga taong tatanggihan Niya na hindi natin kailangang problemahin sa ngayon. Ang mahalagang bagay na dapat pansinin ay magagawa ng Diyos ang Kanyang naisin dahil Siya ang Lumikha, at lubos na may kapamahalaan sa Kanyang nilikha. Inaalok Niya ang parehong bagay sa lahat ng naniniwala sa Kanyang mga pangako at pinipiling sundin ang Kanyang mga utos. Ang mga tatanggihan ay magdurusa sa "pagbulok", samantalang ang mga tumutugon ay gagantimpalaan ng "kayamanan ng kanyang kaluwalhatian".


“Kayamanan ng kanyang kaluwalhatian”

Tuwing darating tayo sa isang bagong ideyang tulad nito – ang kaluwalhatian ng Diyos – kinakailangan natin ng isang pamamaraan upang malaman kung ano ang ibig sabihin nito. Ang pinakamagandang paraan pa rin ay ang hayaang bigyang-kahulugan ng Kasulatan ang Kasulatan, sa halip na tingnan lamang kung ano ang iniisip ng ibang tao na ibig sabihin nito, at may dalawang alituntuning makatutulong sa atin.

➔ Ang una ay tingnan ang agarang konteksto, lalo na kung paano ginagamit ng manunulat ang salita.

➔ Ang pangalawa ay upang subaybayan ang pag-unlad ng salita o parirala sa pamamagitan ng Biblia at tingnan kung paano lumalago ang kahulugan nito sa iba't ibang pangyayari.


Ang pagbabasa nang mabuti, gamit ang mga cross-referencesa Biblia o pagtingin sa mga bagay-bagay sa Concordance, ay makatutulong sa dalawang bagay na iyon. Halimbawa, ganito ang paraan ng paggamit ng apostol sa pahayag na iyan sa Roma:


Pag-aaral sa   Salita: "Kaluwalhatian"

Roma 1:23

Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang   kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng   mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.

Roma 2:7,10

sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa   ng mabuti, at naghahangad ng karangalan,   kadakilaan at kawalang kamatayan; ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan   naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at   gayundin ang mga Hentil

Roma 3:23

sapagkat ang lahat ay nagkasala, at   walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian   ng Diyos

Roma 5:2

Sa pamamagitan ng   [pagsampalataya] kay Jesu-Cristo,   tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa   pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian.

Roma 8:18

Para sa akin, ang mga pagtitiis   natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw.

Roma 8:21

na ang lahat ng nilikha ay pinalaya   ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng   Diyos.

Roma 9:23

upang ipakilala ang kanyang walang   kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y   inihanda na niya para sa kaluwalhatian

Roma 11:36

Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula   sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.

Roma 16:27

Sa iisang Diyos, na sa lahat ay   ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan   magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.


Mula rito ay malinaw na ang "kaluwalhatian" ay napakahalagang ideya sa pag-iisip ng apostol. Ito ay:

isang katangian ng imortal na Diyos -

Ang Diyos ay maluwalhati at kagalang-galang sa lahat ng Kanyang pamamaraan – Siya ang "Diyos ng kaluwalhatian" (Roma 1:23; Mga Gawa 7:2);

isang bagay na dapat nating ibigay sa Diyos -

Kapag pinasasalamatan at pinupuri natin ang Diyos na binibigyan natin ng kaluwalhatian at karangalan ang Diyos (Roma 16:27; Apocalipsis 14:17);

isang bagay na ibabahagi Niya sa Kanyang nilikha, kapag ginawa Niya silang malaya at ibinabahagi sa kanila ang kayamanan ng Kanyang kaluwalhatian –

Ngunit paano natin maibabahagi, o mababanaag, ang kaluwalhatian ng Diyos sa paraang sinasabi ng apostol na mangyayari?


Pagbabahagi ng Kaluwalhatian ng Diyos

Mula sa agarang konteksto sa Roma ay napaikli na natin ang tanong. Gamit ang ating ikalawang alituntunin, maaari na nating tingnan ngayon ang iba pang mga bahagi ng Banal na Kasulatan para mahanap ang sagot. Narito ang ilang mga mga puntos:

1 Ipinapakita ng mga nilikha ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian, sapagkat sinabi ng Mang-aawit: "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!" (Mga Awit 19:1). Ito ang katumbas ng natuklasan natin sa Roma, na "ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa" (Roma 1:20).

2 Nang sagipin ng Diyos ang Kanyang bayan mula sa Egipto ipinakita Niya sa kanila ang Kanyang kaluwalhatian sa iba't ibang paraan:

a  Ito ay sa anyo ng isang lumalamon na apoy na lumitaw sa Bundok Sinai (Exodo 24:17);

b  Kung minsan ang kaluwalhatian ay lilitaw sa ulap (Exodo 16:10);

c  Minsan hiniling ni Moises na ipakita sa kanya ang kaluwalhatian ng Diyos at binigyan siya ng paliwanag – ito ay pagpapahayag ng kalikasan at katangian ng Pinakamakapangyarihang Diyos.


"Ipakita mo sa akin ang iyong Kaluwalhatian"

Nangako ang Diyos kay Moises na mananatili Siya sa Kanyang bayan at tatapusin ang sinimulan Niya sa kanila. Kaya itinanong ni Moises kung may ipahahayag pa ang Diyos tungkol sa kung anong uri ng Diyos Siya, kaya ang kahilingan na ginawa niya ay: "Ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian" (Exodo 33:18). Ipinaliwanag ng Diyos na ang Kanyang likas na katangian ay hindi makikita ni Moises, kaya’t inilagay Niya si Moises sa ligtas na lugar at narinig niya ang pagkalantad na ito ng kaluwalhatian ng Diyos:

Si Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, ‘Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat. Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ At mabilis na lumuhod si Moises, at sumamba kay Yahweh” (Exodo 34:6-8).


Napakahalagang paliwanag nito sa ibig sabihin ng kaluwalhatian ng Diyos para sa atin. Yaong mga may pribilehiyong tumanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan ng Diyos sa panahong darating ay gagawing katulad ng Panginoong Jesucristo – upang matulad sa "taong nanggaling sa langit"; ang kanilang katawan ay magiging "espirituwal", "hindi nasisira" at "hindi namamatay" (I Corinto 15:42-54). Ngunit kapag sila rin ay "ibabangon sa kaluwalhatian", at gaya ng ipakikilala ng Diyos sa kanila "ang walang kapantay na kadakilaan...para sa kaluwalhatian" (Roma 9:23), alam na natin ngayon ang ibig sabihin nito.


Ang katangian ng mga taong ibabangon sa kaluwalhatian ay magiging katulad ng Makapangyarihang Diyos. Sa kalikasan, sila man ay magiging maawain at mapagpakawanggawa, matiyaga, mapagmahal, tapat at mapagpatawad. Kailangang magkaroon ng pagbabago sa kalooban gayundin sa katawan; isang mental at moral pati na rin ang pisikal na katawan. Hindi lamang tanging ang kamatayan ang hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa kanila: kaya nga, sila ay hindi na mababagabag ng makasalanang pag-iisip, tukso, o anumang katulad nito. Magiging kapantay sila ng mga anghel at katulad na hindi maaaring magkasala.

Mula pa lamang sa simula nais ng Diyos na magkaroon ng lahi ng mga taong magiging katulad niyon. Gusto Niya ng isang mundong paninirahan ng mga taong pupurihin Siya at magbabahagi ng Kanyang mga pinahahalagahan at kabutihan. Matagal ang ginugol at malaking inisyatibo para sa Diyos ang adhikaing iyon, ngunit ngayon ay may pagkakataon na dahil sa Kanyang nakapagliligtas na gawain, na isinagawa sa pamamagitan ni Jesus. Ang maluwalhating resultang ito ay posible at maaari tayong maging bahagi nito. Ito ang ipinahayag ng Diyos sa iba't ibang pagkakataon habang ipinahahayag ang Kanyang layunin nang paunti-unti:

Ngunit ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo...” (Mga Bilang 14:21);

Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman, at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan! (Mga Awit 72:19);

Si Yahweh ang lumikha ng kalangitan, siya rin ang lumikha ng daigdig, ginawa niya itong matatag at nananatili, at mainam na tirahan. Siya ang maysabing, ‘Ako si Yahweh at wala nang iba pang diyos. Akong si Yahweh ang magliligtas sa lahi ni Israel; sila'y magtatagumpay at magpupuri sa akin’” (Isaias 45:18,25);

Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran, at dadakilain sa dakong silangan; darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig, gaya ng ihip ng malakas na hangin. Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, ‘Pupunta ako sa Zion upang tubusin ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan'” (Isaias 59:19,20);

Subalit ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala at dumadakila kay Yahweh, kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig” (Habakuk 2:14);

Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian” (Apocalipsis 18:1);

Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, ‘Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.’ Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, ‘Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!’ At sinabi niya sa akin, ‘Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito’” (Apocalipsis 21:3-5).

Ang mga talatang ito ay nagsasama-sama upang bigyan tayo ng buod sa layunin ng Diyos. Binuo Niya ang mundo nang may layon na manirahan dito at muling lilikhain ang mundo na isang maluwalhating tahanan para sa Kanyang bayan. Ito ay nangangailangan ng maraming mga pagbabago sa paraang ngayon ay organisado na, hindi lamang sa sistema ng politika kundi sa paraan ng pag-iisip at pag-uugali ng mga tao. Kaya nga mahalagang magbago tayo ngayon, upang maging handa tayo para sa lahat ng pagbabagong gagawin ng Diyos kapag bumalik ang Panginoong Jesucristo upang mamuno bilang hari.


Lupa, hindi Langit

Nalito ang mga tao sa kanilang tunay na kalikasan, at hindi na nila alintana na sila ay may kamatayan. Sa gayon ding paraan, laganap ang pagkalito tungkol sa lugar kung saan ibibigay ng Diyos ang Kanyang ipinangakong gantimpala sa matatapat kapag babangunin sila sa kaluwalhatian. Ipinapalagay ng mga tao na nangangako ang Biblia ng makalangit na kasiyahan, nang hindi napagtatanto na ang Biblia ay naglalarawan ng masayang kalagayan bilang isang bagay na nagmumula sa langit patungo sa lupa, kapag nagbalik ang Panginoong Jesus bilang hari. Pag-isipan ang mga talatang ito:

Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan, ngunit ang masama'y ipagtatabuyan. Hindi magtatagal, sila'y mapaparam, kahit hanapin mo'y di masusumpungan. Tatamuhin ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana; at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila” (Mga Awit 37:9-11);

Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan, samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay (Mga Awit 115:16);

Pagkat ang mabuting tao'y magtatagal sa daigdig, ang may buhay na matapat ay hindi matitinag. Ngunit ang masama sa lupai'y mawawala, bubunutin pati ugat ng lahat ng mandaraya” (Mga Kawikaan 2:21,22);

Ang matuwid ay ginagantimpalaan dito sa lupa, ngunit paparusahan naman ang mga makasalanan at masasama!” (Mga Kawikaan 11:31);

Pinagpala ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang daigdig” (Mateo 5:5);

Ganito kayo mananalangin, Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit” (Mateo 6:9,10);

Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon” (Juan 14:2,3);

Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang magiging lahi na mamanahin nila ang buong mundo, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil sa siya'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos” (Roma 4:13);

Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, ‘Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila’” (Apocalipsis 21:1-3);

Ginawa mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos; at sila'y maghahari sa lupa” (Apocalipsis 5:10).


Ito mismo ang resultang naisip ni Apostol Pablo nang sabihin niyang hinihintay ng mundo ang kalayaan nito, upang mapagtanto ang tunay na potensyal nito. Makakamit lamang iyan kapag nangyayari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay:

Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. At hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan” (Roma 8:22, 23).


Ang Planong Pansagip ng Diyos

Ang kasalukuyang mga problema na ngayon na kinakaharap ng mga tao sa lupa – kabilang ang mga bagay tulad ng global warming, pagtaas ng tubig sa dagat, pagbabago ng kondisyon ng klima at polusyon ng kapaligiran – sa katunayan, ang kapanganakan ng isang bagong panahon. Sa panahong tulad nito – kapag ang mundo ay nahaharap sa napakalaking problema dahil sa maling pamamahala ng tao – makikialam ang Diyos upang magligtas at ituon ang mga bagay sa mas masayang resulta. Pupunuin Niya ang mundo ng Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagpapadala ng Kanyang Anak sa lupa upang maghari. Ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ay magaganap at ang mga nasusumpungang tapat ay gagawing imortal: pagkatapos niyon ay mabubuhay sila upang bigyan ng kaluwalhatian, karangalan at papuri ang Diyos at gagawin nila ito sa bawat aspeto ng kanilang bagong buhay.


Ang Aklat ng Apocalipsis – ang huling aklat sa Biblia – ay ibinigay upang ipaliwanag kung ano ang mangyayari hanggang at kabilang ang pagbabalik ni Jesus sa lupa. Ipinapahayag nito sa simula na ito ay:

“... mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay sa mga binuhay mula sa kamatayan, at ang pinuno ng mga hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya niya tayo sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang kaharian ng mga pari upang maglingkod sa kanyang Diyos at Ama. Kay Jesu-Cristo ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Tingnan ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga tumusok sa kanya; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Magkagayon nawa. Amen” (Apocalipsis 1:5-7).


Pansinin na may mga taong nalulungkot na makitang bumalik si Jesus. Tunay ngang natututo tayo mula sa iba pang Kasulatan na magkakaroon ng mga taong hahamon at sasalungat sa kanyang pagdating. Si Jesus ay paparito upang sagipin ang mundo at iligtas ang lahat ng kalalakihan at kababaihang naghanda para sa dakilang pangyayaring iyon. Ito ay panahon ng paghuhukom para sa mundo kapag ang sangkatauhan ay tinawag na upang humarap dahil sa pagsira at maling pamamahala ng tao sa sanlibutan ng Diyos.

“Pagkatapos ay hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at sa langit ay may malalakas na tinig na nagsabi, ‘Ang paghahari sa sanlibutan ay paghahari na ngayon ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo. Maghahari siya magpakailanman!’ At ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno na nakaupo sa kani-kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa kanya. Sinabi nila, ‘Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang kasalukuyan, at ang nakaraan! Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong walang hanggang kapangyarihan at nagpasimula ka nang maghari! Galit na galit ang mga bansang di-kumikilala sa iyo, dahil dumating na ang panahon ng iyong poot, ang paghatol sa mga patay, at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo, at sa iyong mga hinirang, sa lahat ng may takot sa iyo, dakila man o hamak. Panahon na upang wasakin mo ang mga nagwawasak sa daigdig’” (Apocalipsis 11:15-18).


Ang Kaharian ng Diyos ay Darating

Sa pagdating ni Jesus upang pamahalaan ang mundo at mamuno para sa Diyos – pagdating niya upang "mamuno sa sanlibutan sa kabutihan" – siya ay magtatatag ng bagong lipunan sa mundo na tinatawag na Kaharian ng Diyos. Ang imortal na mga banal ng Diyos ay mabubuhay sa kahariang ito, na payapa sa isa't isa at sa Diyos. Maraming salitang naglalarawan ang ibinibigay ng Banal na Kasulatan tungkol sa uri ng buhay na ipapamuhay doon. Malaking kalamangan ito sa mga bansa sa mundo na magkaroon ng mabuting pamahalaan na pinamumunuan ng makatarungan at matuwid na hari, na pangangalagaan at poprotektahan sila mula sa lahat ng pinsala. Ang kahariang ito ay magtatagal nang isang libong taon kung saan ang hangganan ng mga taong nabuhay bilang mga mortal sa panahong iyon ay mapapasailalim sa paghuhukom at bibigyan ng pagkakataong maging imortal.

Nakita na natin na ang Panginoong Jesucristo ang mamumuno bilang Hari ng mundo sa hinaharap, ngunit hindi pa tayo nangongolekta ng impormasyon tungkol sa kung anong uri ng hari siya; ano ang magiging katulad ng kanyang kaharian; at kung anong mga kapangyarihan ang gagamitin niya upang matiyak na ang kanyang pamumuno ay kapwa pinakadakila at napakaganda. Dito talaga nakakatulong ang regular na pagbabasa ng Biblia, dahil hindi madaling subaybayan ang maraming paglalarawang umiiral sa pamamagitan lamang ng paghahanap ng mahahalagang salita o parirala. Titingnan natin iyan sa susunod na kabanata.


Ngunit may isang bagay na maaaring bumagabag sa inyo habang iniisip natin ang ipinangakong gantimpala. Tama bang isipin ang gantimpala? Hindi ba dapat lang nating sundin ang Panginoong Jesus at sundin ang mga utos ng Diyos para sa ating sariling kapakanan, nang walang anumang pag-iisip tungkol dito, at magtiwala lamang sa awa at biyaya ng Diyos?


Gantimpalaan ng Diyos ang Matatapat

Minsan ay tinanong ng mga disipulo si Jesus kung ano ang makukuha nila sa pagsunod sa kanya at binigyan niya sila ng tuwirang na sagot. Narito:

Nagsalita naman si Pedro, ‘Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?’ Sinabi sa kanila ni Jesus, ‘Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan’” (Mateo 19:27-29).

Malinaw na malinaw si Jesus tungkol dito. Kung magsisikap tayo sa buhay na ito at gagawin ang tama sa paningin ng Diyos, magkakaroon ng sandaang beses na gantimpala – bibigyan tayo ng Diyos ng higit pa sa maibibigay natin sa Kanya. Noon pa man ay ginagawa na Niya ang alituntuning iyan. Noong mga unang araw hinikayat Niya ang mga tumugon sa Kanyang paanyaya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng gantimpala; halimbawa:

➔ Si Abraham ay napakayaman, at sinabi sa kanya ng Diyos na gantimpala iyon sa kanyang katapatan (Genesis 15:1). Noong panahong iyon, bahagi ng gantimpala na ibinigay ng Diyos ang materyal na pag-unlad, ngunit kalaunan ang mga pagpapalang ibinibigay ay makikita sa mga espirituwal na pagpapala – ang kapatawaran ng mga kasalanan, pag-asa sa bagong buhay, ang patnubay ng iba pang mga mananampalataya, at mga katulad nito.

➔ Sinabi ng Mang-aawitna sa pagsunod sa mga utos ng Diyos: "may malaking gantimpala" (Mga Awit 19:11);

➔ Sinabi ni propetang Isaias na sa pagdating ng Hari, "Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas;dala niya ang gantimpala sa mga hinirang" (40:10; 62:11);

➔ Sinabi ni Jesus na yaong mga inusig sa buhay na ito ay hindi kailangang matakot, sapagkat kanyang dadalhin ang kanilang gantimpala sa kanyang pagparito: "Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo" (Mateo 5:12);

➔ Sinabi ni Apostol Pablo: "Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo" (Colosas 3:23,24);

➔ Sinabi ito ng hindi pinangalanang manunulat ng Sulat sa mga taga Hebreo: "Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya" (Hebreo 11:6).

Kaya, habang iniisip natin ang hukuman ni Cristo bilang isang lugar kung saan mahihiwalay ang makatarungan sa di-makatarungan, kung saan tatanggap ng walang-hanggang buhay ang ilan at "ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan" (Daniel 12:2), ito ay itinuturing ding panahon at lugar kung kailan gagantimpalaan ng Diyos ang mga naniniwala sa lahat ng panahon na nanampalataya sa Kanyang Salita at namuhay ayon dito. At ang maraming larawan ng darating na Kaharian ng Diyos ay ibinigay upang umasa tayo nang may maingat na pag-asam sa araw na iyon na muling maghahari ang hari sa Jerusalem at ang kaharian ng Diyos ay muling ibabalik.


Mga Bagay na Babasahin

➔ Panahon na para tingnan ang ilang Kasulatan tungkol sa pagdating ng Kaharian ng Diyos. Tingnan ang Isaias 2 at 11, upang malaman ang tungkol sa mahalagang katungkulan ng Jerusalem sa hinaharap (bilang sentro ng pamahalaan ng mundo) at ang mga katangian ng hari na maghahari mula roon.

➔ Basahin ang tala tungkol sa mga disipulo na nagtatanong kay Jesus tungkol sa gantimpalang maaasahan nila sa Marcos 10 at pansinin kung paano sinabi ni Jesus na magkakaroon ng mga pagpapala at kapakinabangan para sa kanyang mga alagad kapwa sa buhay na ito at sa buhay na darating.


Mga Katanungang Sasagutin

19.1 Kung hihilingin ninyo sa mga tao na ipakita sa inyo kung saan nangangako ang Biblia na pupunta kayo sa langit kapag namatay tayo, ang tanging talatang karaniwan nilang iniaalok ay Juan 14:1-6. Basahin ang talata at pagkatapos ay pag-isipan kung ano talaga ang itinuturo nito.

19.2 Ano ang nauunawaan mo na itinuturo ng Mga Awit 146 tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan? May sinasabi ba ito sa atin tungkol sa pagparito ng Kaharian ng Diyos?

bottom of page